Abante Tonite Interactive

Ex-tanod, niratrat sa loob ng bahay

0 355

Pinagbabaril sa loob ng kaniyang bahay hanggang sa mapatay ang dating barangay tanod sa Quezon City, nitong Miyerkules ng gabi.

Ang biktima ay ay nakilalang si Arsenio Guzman Jr., nasa hustong gulang, construction worker, dating barangay tanod at nakatira sa Barangay Holy Spirit, QC.

Sa report sa pulisya, ika-10:00 ng gabi (May 2), matutulog na sana ang biktima nang biglang pumasok ang apat na hindi pa nakikilalang lalaki sa loob ng kanyang bahay.

Pinuwersa umano ng mga suspek na palabasin ng bahay ang biktima subalit nagpumiglas ito kaya doon na ito sunud-sunod na pinaputukan ng baril. Nagtamo si Guzman ng tama ng bala sa ulo at katawan.

Hindi naman sinaktan ng mga suspek ang ibang kasama sa bahay ng biktima.
Nang matiyak na patay na ang target ay saka nagsitakas ang mga salarin na pawang mga nakasuot ng face mask.

Nasamsam sa crime scene ang apat na basyo ng bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril.

Nabatid na noong nakaraang buwan ay inireklamo ang biktima sa barangay matapos umanong magnakaw ng gatas para sa anak.

Gayunman, nagsasagawa pa ng masusing imbestigayon ang mga awtoridad para mabatid ang tunay na motibo ng krimen. (Dolly B. Cabreza)

Tonite – Wendys Inhouse Ad