Abante Tonite Interactive

Ex-US Marine, isa pa kalaboso sa droga

504

Isang dating US Marine at isa pang kasama nito ang nasakote habang gumagamit ng droga sa isinagawang drug bust operation ng Makati City Police kahapon nang madaling-araw.

Hindi na nakapalag nang arestuhin ng mga pulis ang mga suspek na sina Ronald Ang y Dicolen, 51-anyos isang dating US Marine at US Correction Officer Immigration Naturalization at residente ng Batac, Ilocos Norte, at Roy Allan Altar, 40-anyos, walang trabaho at taga-Kalayaan Avenue, Brgy. Tejeros, Makati City.

Batay sa ulat ni Chief Inspector Gideon Inez, assistant for operations ng
Makati City Police, nakatanggap sila ng tawag sa telepono ukol sa nagaganap na pot session sa isang lugar sa Brgy. Tejeros kaya rumesonde ang mga tauhan ng SDEU at Police Community Precinct 1 dakong alas-2:15 nang madaling-araw na nagresulta sa pagkakaaresto sa dalawang suspek.

Nahulihan ang mga suspek ng isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng apat na gramo, isang plastic sachet ng pinatuyong marijuana, glass tube na ginagamit bilang tooter, at mga drug paraphernalia.

Binitbit sila sa Makati City Police Station at kakasuhan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa Makati Prosecutor’s Office. (Armida Rico)