Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Ex-Zambo mayor yari sa P32M kontrata scam

0 529

Sinampahan ng mga kaso ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Office of the Ombudsman nitong Lunes ang nakaupong mayor at ang dating alkalde sa Siayan, Zamboanga City kaugnay ng diumano’y 190 iligal na kontrata na nagkakahalaga ng mahigit P32 milyon.

Ibinase ng NBI ang mga isinampang kaso sa testimonya ng isang whistleblower na nagsilbing “dummy” umano nina ex-mayor Flora Lagarnia Villarosa at kasalukuyang Mayor Josecor Gepolongca at ng anim pang empleyado ng munisipyo sa mga maanomalyang transaksiyon.

Ayon kay Senior Special Investigator Robert Young ng NBI Anti-Graft Division (NBI-AGD), nag-ugat ang kanilang pagsisiyasat sa isang anonymous letter na ibinunyag ang diumano’y mga negosyo, real estate property, mga sasakyan at pera ni Villarosa na hindi naman umano tumutugma sa kanyang suweldo at iba pang lawful income habang siya’y nanunungkulan pa bilang alkalde mula 2010 hanggang 2019.

Sabi ng NBI-AGD, kumuha rin si Villarosa ng mga “dummy” para gamitin bilang mga may-ari ng kanyang mga negosyo at property na sa katunayan ay siya naman talaga ang nagmamay-ari.

Isa umano sa mga dummy si Ana Marco, isang titser na naging pangunahing testigo sa mga kasong isinampa ng NBI laban sa mga akusado.

SM SuperKidsDay Banner Ad

“The complainant claimed her name and address was unlawfully used by the respondents despite her repeated pleadings to stop the use of her name for fear of criminal liability,” sabi ng NBI.

Dagdag pa ang mga dokumentong galing sa Commission on Audit na kinuwestiyon ang mga kontrata sa pagitan ni Villarosa at ng Midway Gas Station at Midway Enterprises/general merchandize mula 2010 hanggang 2019 na pinalabas na pag-aari umano ni Marco.

May mga testigo rin ang NBI kabilang ang isang konsehal na sinuportahan ang mga testimonya ni Marco na ginamit lamang siya ni Villarosa bilang dummy sa mga negosyo nito sa pamahalaang lokal.

Sabi sa NBI report, si Gepolongca naman na dating municipal administrator ni Villarosa ay tinangkang harangin ang imbestigasyon at nag-isyu ng memo sa kanyang mga empleyado na huwag magbibigay ng anumang public record na wala siyang pag-apruba kahit maging ang request mula sa NBI.

Kabilang sa mga isinampang kaso ng NBI ay misdeclarations ng Statement of Assets, Liabilities and Net worth, perjury, falsification of documents at obstruction of justice.

Leave A Reply

Your email address will not be published.