Abante Tonite Interactive

Excited sa pagbabalik ng PBA

238
Ang PBA Philippine Cup ay magbabalik na ngayong Linggo sa Phi­lippine Arena.
Bukod sa naggagandahang mga muse tulad nina Ms. Universe Pia Wurtzbach, megastar Sharon Cuneta, Miss International Kylie Verzosa, volleyball sensation Alyssa Valdez, movie star Yam Concepcion at marami pang iba, inaabangan ang pina­lakas na koponan ng San Miguel Beer.
Ang agam-agam nga ay sa malusog na lineup ni Coach Leo Austria na tinatawag ngayong star studded lineup, mahirapan daw talunin ng 11 ibang koponan sa PBA.
Bakit kamo?
Unang-una, nakuha nila si Terrence Romeo sa TNT KaTropa kapalit nina Brian Heruela, Dave Semerad at future first round pick.
Alam naman ng mga mahilig sa basketball na si Terrence ay isang napaka-skillful na player. Ang galing niya sa pagdribol papunta sa basket at ang galing niya sa pag-shoot ng bola sa labas o sa loob.
Nakamit na ng 26-anyos na player ang halos lahat na parangal sa basketball. Umpisa noong gumawa siya ng 83 points nu’ng siya ay isang Baby Tamaraw, at nasungkit niya ang MVP ng UAAP Juniors.
Noong 2014 naman, pinangalanan siyang MVP ng UAAP Seniors.
Pagdating ni Terrence, kung kailan siya napiling 5th overall, gumawa siya ng 34 points sa pangalawang laro pa lang niya. At ang pinakamagandang award niya sa PBA ay noong nanalo siya ng PBA All-Star MVP.
Meron lang mga konting bulungan na baka hindi makontrol ni Coach Leo si Terrence dahil may konting attitude problem daw ang player. Naalala natin na nagkaroon ng sigawan si Terrence at si Coach Pido ng GlobalPort.
Nag-usap kami ni Coach Leo tungkol dito at nagkaroon daw sila ng heart-to-heart talk ni Terrence at sinabi niya lahat ng pangyayari kay coach.
Kumbinsido si coach na sinsero si Terrence sa pahayag niya tungkol sa lahat ng tsismis.  Sabi ni coach, malaking bagay si Terrence sa kanyang  rotation.
Mas excited ako sa pagdating ni Paul Zamar at Ronald Tubid sa San Miguel.
Si Tubid ay 37  years old at kilalang magaling sa depensa. Naging miyembro siya ng PBA All-Defensive team at papahirapan niya ang pinakamagaling na shooter sa kabilang koponan.
Si Zamar na star­ting five ng Blackwater ay napakagaling na manlalaro, na na-develop noong siya ay nasa Momo Thunder ng Thailand sa ABL.
Pinarangalan siya na Heritage Import. Abangan ang pagbabalik ng San Miguel Beer.