Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Exhibit ng mga Banal

0 90

Bilang paggunita noon sa Todos Los Santos o All Saints’ Day ay binuksan ng Parokya ng Muling Pagkabuhay sa Barangay Julugan sa bayan ng Tanza, Cavite ang exhibit ng imahen ng mga banal.

Ayon sa kura paroko na si Fr. Marcy Convento, layunin nitong makilala at maisabuhay ng mga Tanzeño ang mga aral at buhay ng mga santo lalo na ngayong may pandemya.

Taliwas sa mga puna, hindi raw sinasamba ng mga debotong Katoliko ang mga santo kundi ginagawa lang na huwaran tungo sa tuwid na daan.

Sabi ni father, ‘Malinaw naman sa ating mga Katoliko na kahit anong paliwanag natin di sila naniniwala. Malinaw sa atin, hindi natin sila sinasamba. ‘Yan ay veneration o pagpaparangal sa mga banal sa pamamagitan ng mga imahe’.

Sa dalawampu’t walong imahen ng mga banal, pinakamatanda si Santa Veronica na pagmamay-ari ng pamilya ng ama ng bayan ng Tanza na si Mayor Yuri A. Pacumio. Ang imaheng ito kasi, mahigit isandaang taon na sa kanilang pangangalaga.

Isa pa sa tampok sa exhibit ang imahen ni San Agustin o mas kilala sa tawag na ‘Tata Usteng’ na pagmamay-ari ng debotong si Larry Montano.

SM food to go Banner Ad

Si Larry ang buhay na saksi ng pagpapakita ni Tata Usteng sa pader ng simbahan ng Julugan noong dekada ochenta. Kaya naman minabuti niyang maging tagapangalaga ng imahen nito.

Buhay na buhay ang tradisyong ito ng mga taga Julugan kahit nasa gitna ng pandemya.

Kaya para kay father, ‘Ito ay pagpapatunay lamang ng isang matagal nang tradisyon dito sa parokya, nakagawian nila na last Sunday ng October ay may prusisyon ng iba’t ibang imahen. Dahil sa pandemic, hindi makapagprusisyon kaya maipagpapatuloy ito sa pamamagitan ng exhibit’.

Napahanga rin ang kalilipat pa lang na pari sa hospitality ng mga taga Julugan. Bagay na ipinagpapasalamat ni Father Marcy.

Samantala, tuloy-tuloy pa rin ang padasal ng simbahan sa mga yumaong mahal sa buhay sa pamamagitan ng pagtitirik ng kandila kalakip ang kanilang mga pangalan.

Buong buwan ng Nobyembre isasagawa ang pagsisindi ng kandila sa simbahan, kalakip ang pagdarasal sa lahat ng mga banal. (with reports from Jhan Ferdie Llagas)

Leave A Reply

Your email address will not be published.