Abante Tonite Interactive

Expanded Maternity Leave, uubra ba?

227

Noong Pebrero 2019 ay pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas na nagmamandato ng 105 araw ng maternity leave sa mga kapapanganak lamang na ina.

Bagama’t pinahahalagahan ng batas ang mabuting kapaka­nan ng mga kababaihan, maraming kompanya, establisimyento at employer ang kumuwestyon, tumutol at nagbabala sa posibilidad na madehado ang mga babae sa pagkuha ng trabaho sa sandaling pairalin ang pagpapatupad nito.

Ilan sa mga ipinangangamba ng isang grupo ng mga kababaihan ay ang posibleng diskriminasyon.

Pero ayon naman kay Atty. Noel Del Prado, protektado ang mga babae sa diskri­minasyon sa expan­ded maternity leave.

Ayon kasi sa Republic Act 11210 o Expanded Maternity Leave (EML) Law may parusang multa o kulong ang mga kompanyang mapapatunayang sinasadya na mas pumili ng mga aplikanteng lalaki sa kanilang mga kompanya.

“Dito sa mismong batas may pagbaba­wal sa diskriminasyon sa babae. Kahit na noong mas nauna pang batas, nakapaloob na diyan ‘yung anti-discrimination provision,” ani Del Prado.

Ibig sabihin, ba­wal din ang mga iba’t ibang pagpapakita ng diskriminasyon sa mga kababaihan na kumuha o kukuha ng maternity leave gaya ng constructive dismissal o ang hindi boluntaryong pagpapa-resign sa mga babaeng empleyado.

Sa RA 11210, may multang P20,000 hanggang P200,000 multa at anim hanggang 12 taong pagkakakulong ang mga employer na mapapatunayang magdi-discriminate ng aplikante o empleyadong babae.

Meron ding mga kumukwestyon at tumututol na kompanya sa pagpapairal ng batas lalo na ang mga micro, small and medium enterprises (MSMEs).

Giit ng negosyanteng si Angela Templonuevo, higit na mahihirapan ang mga tulad nilang may-ari ng negosyo na kabilang sa MSMEs sa pagpapatupad ng expanded maternity leave law.

Aniya, marami ang posibleng magsara o malugi dahil sa mandatory paid leave ng mga kapapanganak lamang na ina.

“‘Yan MSMEs ang mahihirapan dahil alam ninyo lahat ng tumataas, ‘yung mga micro ay hirap na hirap. Marami diyan nagsasara, marami din diyan nalulugi tapos sasalpakan mo ng mga ganito,” sabi niya.

Sa ngayon ay binubuo na ang Implementing Rules and Regulation (IRR) ng batas. At inaaasahan na matapos at maipagtibay ito nga­yong Mayo. (Lorraine Gamo)