Abante Tonite Interactive

Extension ng kontrata ng Pacific Online at PGMC, anong basehan?

By
87

Totoo ba ang mga balitang bibigyan ng PCSO ng one year extension ang Pacific Online System Corporation at ang Philippine Gaming and Ma­nagement Corporation (PGMC) mula ngayong Agosto 2018 hanggang July 31 ng 2019?

Ganoon ba kadaling gawin ng PCSO ang ganitong sistema na basta na lamang palalawigin ang serbisyo ng kanilang kontraktor para sa lottery equipment kahit walang public bidding?

Ang Pacific ay isang kompanya ng business developing at mana­ging online computer systems, terminals at software related gaming na kinontrata ng PCSO.

Ang PGMC naman ay supplier ng lotto machines ng PCSO sa Luzon samantalang ang Pacific ay supplier naman ng makina para sa Visayas at Mindanao.

Parehong expired ang kontrata ng PGMC at ng Pacific ngayong July at Agosto ng taon kaya ina­asahan sanang magkakaroon ng panibagong bidding ang PCSO para sa kanilang service at machines provider.

Ano kayang batayan ng PCSO sa extension sa dalawang kompanya kahit walang public bidding?

***

Ang sabi nila, kung gaano raw kabilis si National Capital Region Police Office (NCRPO) director Guillermo Elea­zar sa pagdisiplina sa mga bugok na pulis, wala rin itong inaaksa­yang oras sa pagpuri at pagbibigay ng gantimpala sa mga masisipag na pulis.

Sa madaling salita, fair and square po ang ating Mamang Pulis. Pinarurusahan niya ang mga bugok at tiwali habang ginagantimpalaan naman niya ang mga tuwid at masisipag sa kanilang hanay sa Phi­lippine National Police (PNP).

Wala siyang habas sa pag-ubos sa mga kriminal, mga adik at pusher pati na rin sa mga baluktot nilang kabaro pero hindi rin siya nakalimot na bigyang papuri ‘yung mga good cop na sumusugod at isinusugal ang kanilang buhay upang mahuli ang mga masasamang elemento.

Kamakailan, sa isang simpleng ceremony sa NCRPO Headquarters, pinamunuan pa ni PNP Director General Oscar Albayalde na inasistihan naman ni Gen. Eleazar ang pagsabit ng medalya sa mga pulis ng iba’t ibang siyudad ng Metro Manila.

Sabi nga ni Gen. Eleazar, “Gusto rin namin siyempre na high morale ang aming mga tao – na ang pagganap nila ng trabaho nila, bagama’t obligasyon nila ‘yan, ay dapat ding purihin.”

Giit pa ni General, ang pagpaparangal sa mga mabubuting pulis ay tulad din ng pagbibigay ng gantimpala sa mga ordinaryong empleyo ng isang pribadong kompanya.

At heto pa, may pangako si General na uubusin niya ang mga bulok na pulis na iyan habang pararangalan, ipakikilala at ipagmamalaki sa buong bayan ang mga mabubuting pulis ng PNP.

Hindi po Oh Promise Me (OPM) si General Eleazar! Kung ayaw ninyong hindi na muling masikatan ng araw sa kuwadra ng PNP, aba eh magtino at magtrabaho po kayo mga sir!