Abante Tonite Interactive

F2 basag sa Foton

108

Nakabangon sa pangit na umpisa ang Foton para basagin ang F2 Logistics 19-25, 25-20, 25-23, 25-29, at ma-sweep ang Group B sa second round ng Philippine Superliga All-Filipino Conference sa The Arena sa San Juan kagabi.

Nagtala si Jaja Santiago ng 19 puntos para sa Tornadoes, tinapos ang se­cond round na may malinis na 3-0 win-loss card. Nag-ambag si team captain Angeli Araneta ng 11.

“Hindi namin iniisip na undefea­ted sila, basta alam lang namin na pareho kami ng standing and we’re fightin­g for the top spot,” pahayag ni Foton coach Villet Ponce-De Leon.

Hindi natapos ni Sisi Rondina ang laro nang mapasama ang bagsak sa taraflex at inabot ng right ankle sprain matapos matapakan ang paa ni Santiago. May 11 puntos si Rondina bago nilabas.

Tumapos si Ara Galang ng 18 puntos para sa F2 Logistics at may 17 si Cha Cruz.

Nalaglag ang Cargo Movers sa 2-1 at haharapin ang defending champion Petron sa knockout semis sa Sabado.

Samantala, pinadapa ng Petron ang four-time champion RC Cola Army, 25-19, 25-22, 25-16.

Nanguna sa atake para sa Tri-Activ Spikers si team captain Aiza Maizo-Pontillas na may 11 puntos, nag-ambag si Bernadeth Pons ng 10.

“Nobody’s game naman ‘tong round na ito kasi ang importante ‘yung crossover semis ‘yun ang talagang pinaghahandaan ng lahat,” pahayag ni Petron coach George Pascua.

Hindi pa rin nakalaro si Rachel Anne Daquis dahil sa bone spur sa kaliwang paa.

Sa unang laro ay pinadapa ng Generika ang Standard Insurance Navy 25-16, 25-17, 20-25, 25-13.

Tinapos ng Life Savers ang Group B second round sa 3-0 win-loss at kakalabanin ang Cignal sa battle for fifth.