Abante Tonite
Mabilis sa Balita

F2 Logistics tagilid kontrata sa Comelec

0 67

Posibleng malagay sa alanganin ang kontrata ng F2 Logistics Philippines Inc. sa Commission on Elections (Comelec) kapag hindi nakapagbigay ng kumbinsidong paliwanag ukol sa viral video ng mga election material na iniwan sa isang bakanteng lote sa Amadeo, Cavite.

Pinagpapaliwanag kasi ng Comelec ang naturang kompanya na siyang logistics contractor ng poll body sa nakaraang halalan kaugnay sa tinatawag nilang “haphazard disposal” ng mga materyales na ginamit sa katatapos lamang na eleksiyon.

Sinabi ni Comelec Administrative Services Director Julio Thaddeus Hernan na nagpadala na sila ng sulat sa F2 Logistics para ipaliwanag kung bakit may mga election material galing sa Tondo, Maynila na nakarating pa sa Cavite.

Binigyang-diin naman ni Commissioner George Garcia na magsasampa sila ng kaso laban sa mga indibidwal na may kinalaman sa pagtatapon ng mga election material sa Cavite.

“We will demand a formal investigation on Comelec personnel and F2 logistics, the chain of custody is very important in determining who is responsible for the incident,” ayon kay Garcia.

Dagdag pa nito na kapag napatunayan aniyang may kapabayaan sa panig ng naturang kompanya ay maaaring maapektuhan ang kontra nito sa Comelec.

“If F2 logistics is found negligent, we can rescind our contract with them and withhold payment until we are satisfied, or prosecute for an election offense,” ani Garcia.

Samantala, nilinaw din ni Garcia na training ballots ang mga natagpuang election materials sa Amadeo na ginamit aniya nila para sa paghahanda ng mga guro sa mismong araw ng halalan.

Hindi na rin aniya ito kinokolekta ng Comelec.

Pero ang mga envelope na ginamit noong araw ng halalan ay nakita na kasama ng training ballots sa Cavite, ayon kay Garcia.

Sinabi nito na posibleng napagkalaman na basura ang mga kinuha ng mga empleyado ng F2 Logistics nang hakutin ang mga ito matapos ang botohan.

Pero gusto nilang malaman kung bakit napunta ang mga ito sa Cavite.

“`Yan po `yong hinihintay namin na report mula po sa F2 Logistics at kinakailangan nilang maipaliwanag sa amin. In fact po, may picture din kami ng mismong, `yong mismong mga nagbuhat na taga-F2 at saka `yong guwardiya nung mismong kinukuha nila `yan dyan sa Rizal Elementary School sa Tondo, Manila,” ani Garcia.(Kiko Cueto/Juliet de Loza-Cudia)

Leave A Reply

Your email address will not be published.