Abante Tonite
Mabilis sa Balita

F2 Logistics yari sa Comelec

0 114

Inatasan ng Commission on Elections (Comelec) ang cargo forwarder na F2 Logistics na magpaliwanag kaugnay sa mga election document na itinambak sa isang bakanteng lote sa Amadeo, Cavite at nag-viral sa social media matapos itong i-post ng isang netizen.

Ayon kay Commissioner George Garcia, aalamin nila kung ang F2 Logistics nga ba, na kanilang partner sa pagbiyahe ng mga balota, vote counting machines (VCM) at iba pang supply para sa halalan noong Mayo 9, ang kumuha at nag-iwan ng mga naturang dokumento.

“Pinagpapaliwanag sila ngayon. Nakikipag-ugnayan na `yong ating — `yon nga si Director [J. Thaddeus] Hernan ng Administrative Services Department,” sagot ni Garcia sa isang panayam sa Teleradyo nitong Linggo nang tanungin kung may pananagutan ang F2 Logistics sa insidente.

“Gusto rin naming alamin kung talaga bang sila ang nag-pick up ng mga dokumentong ‘yan at sila rin ba `yong nag-iwan ng mga dokumentong `yan,” ayon pa kay Garcia.

Nag-viral ang video kung saan ipinakita ang mga election document na natagpuang nakatambak lang sa isang bakanteng lote sa bayan ng Amadeo.

Gayunman, sinabi ni Garcia na ang mga naturang balota na nakita sa mga video at mga larawan ay training ballots lamang mula sa Tondo, Maynila at hindi mga opisyal na balotang ginamit sa halalan noong Mayo 9, 2022.

“Nagpa-initial investigation po tayo. Pinatawag din natin ang ating election officer dito po sa Manila at sinasabi niya, tama, hindi po ito mga balota, hindi po ito mga original na balota,” giit ni Garcia.

Ipinaliwanag pa ni Garcia na walang election returns na nakita sa mga viral video at mga larawan.(Juliet de Loza-Cudia)

Leave A Reply

Your email address will not be published.