Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Face App, delikado ba sa ating seguridad?

0 162

Bong Ga at Pebbles, ‘yan ang naging bagong pangalan nina Senator Bong Go at Senator Bato Dela Rosa matapos i-gender swap ng mga netizen ang kanilang pictures gamit ang kilalang-kilala ngayong phone application, ang FaceApp. Naku, sigurado akong na-try mo na rin ito o nakita mo nang sinubukan ng Facebook friends mo. Nitong mga nakalipas na araw nga, ‘yan na lang ang laman ng feed ko sa Facebook. Nalingat lang ako sandali, hindi ko na kilala ang mukha ng mga FB friend ko.

Ang FaceApp ay isang photo-morphing mobile application na gumagamit ng AI o Artificial Intelligence at neural face transformations upang mabago ang face features at gawin itong nakakatawa, nakakatakot, o weird ang hitsura. Maraming filters at settings ang pwedeng i-apply sa napiling picture na i-eedit. Pwedeng i-gender swap o kaya ay patandain ang mukha. Maari ding lagyan ng make-up, accessories, at ibahin ang background.

Sa nakalipas na linggo, sobrang nauso ang FaceApp sa social media. Kaya naman naglabas ng paalala ang Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP ACG) na maging maingat sa paggamit nito. Sapagkat ang mga picture na ine-edit dito ay na-u-upload sa kanilang server. Kapag na-upload na, maaring magamit ito upang ma-trace ng cyber criminals ang identity ng user at maa-access ang mga personal information. Posible ring magamit ang identity ng nasa picture upang itago ang pagkakakilanlan ng isang tao sa paggawa ng krimen.

Pero sa isang Facebook post ng FaceApp, nilinaw nitong nakasaad sa kanilang privacy policy na protektado sa kanilang database ang lahat ng ina-upload na pictures ng users. Hindi rin daw nila ito gagamitin sa ibang platform at maipo-post lang sa social media kung pahihintulutan ng user. Binanggit din ng FaceApp na key encrypted sa device ng user ang mga edited pictures. Ibig sabihin nito, hindi maa-access ang mga FaceApp edited image gamit ang ibang device maliban na lang kung ipinost ito online.

Ang sa akin lang, kahit may privacy policies at protection services ang mga application na ginagamit natin, mas mainam pa ring maging maingat sa mga dina-download. Palaging i-update ang mga application upang hindi mahuli sa mga protection service nito. Basahin ding mabuti ang terms and conditions ng mga dina-download at burahin na ang mga unused app.

Sa mga simpleng paraan na ito, masisiguro natin ang kaligtasan natin mula sa cyber criminals habang nag-eenjoy sa paggamit ng mga nakakaaliw na apps! (with reports from John Rey Ibañez)

Leave A Reply

Your email address will not be published.