Abante Tonite Interactive

Face mask ordinance dapat ipasa ng mga LGU

578

Hinimok ng Philippine National Police (PNP) ang mga local government unit (LGU) na magpasa ng ordinansa para obligahin ang mga residente sa kanilang lugar na magsuot ng face mask para mapigilan ang paglaganap ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay Philippine National Police (PNP) Deputy Chief for Operations Lt. Gen. Guillermo Eleazar, na siya ring commander ng Joint Task Force COVID Shield, maoobliga ng mga tao na magsuot ng face mask o gumamit ng pantakip sa kanilang mukha kapag lalabas ng tahanan kapag inaprubahan ng mga LGU ang ordinansa para dito.

“Malaking tulong po `yon na ang ating mga LGU will be enjoined to pass ordinances or resolution para magkaroon po tayo ng pangil. Kasi we can only caution those people who are not wearing masks sa labas ng kanilang residence,” ani Eleazar.

Noong nakaraang linggo ay una nang sinabi ni Cabinet Secretary Karlo Nograles, tagapagsalita ng Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), na batay sa IATF Resolution 18, mandatory ang pagsusuot ng mga residente ng face mask o iba pang uri ng protective equipment gaya ng face shied at panyo bilang pangontra sa pagkalat ng COVID-19, kapag lumalabas ng bahay.

“Mas maganda ang implementation kung meron tayong pangil. I believe that all the LGUs, just like the curfew na naglabas sila ng kani-kanilang mga ordinansa, ay napakaganda po na maglabas din sila dito para naman mako-compel ang ating mga kababayan na ma-wear ng mask,” sabi ni Eleazar.

“Etong mask na ito not necessarily bibilhin kung hindi puwede rin ang mga do-it-yourself, pati na rin mga improvised na mask, at even hanky para makatulong sa hindi paglaganap ng virus,” dagdag pa nito. (Prince Golez)

Tonite – Wendys Inhouse Ad