Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Face shield bibitbitin pa rin

0 115

Marami ang natuwa matapos ianunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na aalisin na ang paggamit ng face shield sa labas maliban sa mga lugar na may tatlong C.

Ang tinutukoy na tatlong C ay ang ” closed, crowded at close contact”; closed kung nasa loob ng isang establisimento o gusali; crowded o mataong lugar kung saan sari-sari ang masasalubong o makahalubilo; at close contact kung dikit-dikit o siksikang lugar.

Pero kung iisiping mabuti, kung ang tinutukoy na labas na hindi na kinakailangan ang face shield ay hanggang sa labas ng bahay lamang o hanggang sa kanto, magiging panandalian lang ang hindi pala paggamit nito.

Halos lahat naman kasi ng mga lumalabas ng bahay ay may mga pupuntahang lugar at tiyak na maraming tao kaya kailangan pa ring magbitbit ng face shield.

Madalas ang mga nanay ay sa palengke nagpupunta kaya kailangan pa rin ang face shield; ang mga tatay papasok sa trabaho at sasakay ng pampublikong sasakyan kaya kailangan pa rin ng faceshield; pupunta sa mall, tiyak kailangan pa rin ang face shield dahil marami ang nagtutungo sa mga ganitong lugar gaya ng supermarket kung saan halos magdikit ang mga tao dahil madalas ay hindi naman nasusunod ang social distancing.

Masasabi lamang na libre na sa paggamit ng face shield kung ikaw ay nasa gitna ng bukid o malawak na kaparangan o kaya ay mala-disyertong lugar na halos walang tao. Wala ito sa Metro Manila at ilang pangunahing lungsod.

Ibig sabihin lamang nito, kailangan pa ring magbitbit ng faceshield ang mga tao lalo na kung ang pupuntahan ay may peligrong makakuha ng kontaminasyon ng COVID-19.

Pero mayroong mga indibidwal na malakas ang loob at hindi nagsusuot ng face shield kaya tiyak na ang mga ito ang unang natuwa sa naging anunsiyo ng gobyerno. Hindi dahil sa wala silang pambili kundi dahil hindi sila komportableng gamitin ito kahit pa ang babala noon ng mga eksperto ay mas mataas ang peligro na matamaan ng COVID-19.

May mga nakausap po tayo na ilang kaibigan, mga kakilala na nagsabing kahit puwede ng alisin ang paggamit ng face shield, gagamit pa rin sila nito dahil ang kanilang kaligtasan ang iniisip.

Mahigit na anilang isang taon na silang gumagamit ng face shield at sanay na sila dahil mas mahalaga ang dagdag na proteksiyon kaysa ang malantad sa posibleng kontaminasyon.

Ikaw kaibigan, alin ang mahalaga sa iyo, ang kaligtasan mo ba o ang reklamong hindi ka komportable sa paggamit ng face shield habang nananarili ang banta ng pandemya? . Nasa iyo ang pagpapasya at sana ay hindi ka magkamali sa piniling desisyon.

Leave A Reply

Your email address will not be published.