Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Face shield gaano kahalaga sa pandemya?

0 241

Mainit na usapin ngayon ang pagnanais ni Manila Mayor Isko Moreno na alisin na ang paggamit ng face shield sa Lungsod ng Maynila dahil sa paniwalang hindi naman umano ito epektibo bukod pa sa dagdag gastos sa mga tao.

Marami ang tumaas ang kilay at marami ang napaisip kung tama ba ang paniwalang ito ng alkalde lalo na at hindi pa humuhupa ang mataas na kaso ng mga tinatamaan ng COVID-19.

Gaya ng dapat asahan, tinutulan ito ng Department of Health (DOH) at mga eksperto sa medisina dahil patuloy ang pananalasa ng mabagsik na virus sa mga Pilipino.

Sari-saring opinyon at paniwala at naging sentro na rin ito ng debate sa publiko kung dapat na ba talagang alisin ang paggamit ng face shield.

Isa sa mga unang tumutol ay mga opisyal ng Department of Health (DOH) dahil maliit na porsiyento pa lamang anila ng populasyon ng bansa ang nabakuhan kontra COVID-19.

Hindi pa naaabot ng Pilipinas ang herd immunity na siyang target ng mga eksperto bago magluwag sa mga ipinatutupad sa paghihigpit at pagpapairal ng mga polisiya bilang pag-iingat laban sa mabagsik na virus.

Ayon kay Dr. Edsel Salvaña, isang Infectious Diseases texpert at miyembro ng DOH Technical Advisory Group, ang pagsusuot ng face shield ay dagdag-proteksiyon laban sa COVID-19 dahil hindi kayang salagin lamang ng face mask at pagsunod sa social distancing ang COVID -19 na dadapo sa isang tao.

Kung walang face shield, walang kahirap-hirap na makalapit sa mukha ng isang tao ang virus at kung hindi man ito masinghot o makapasok diretso sa bunganga dahil sa face mask, may iba pang parte ng mukha na maaaring pasukan nito.

Ayon nga kay Dr. Salvaña, hindi kayang protektahan lahat ng face mask at social distancing ang virus na kakapit sa isang tao, kaya kailangan ang face shield para may dagdag-proteksiyon.

Kaugnay naman sa argumentong dagdag gastos sa mga tao ang pagbili ng face shield, mura lamang ang halaga nito na sampung piso, at hindi naman kailangang araw-araw magpalit ng face shield.

Kung tutuusin, mas mahal pa ang load sa cellphone na ikinakarga ng mga addict sa dutdutan kaysa sa halaga ng face shield, o kaya sa bisyo ng ilang mga taga-lungsod ng Maynila na nahumaling sa online sabong o kaya ay sa Mobile Legends.

Gaano ba kabigat sa bulsa ng isang residente ng Maynila ang sampung piso para sa dagdag proteksiyon laban sa COVID-19 kumpara sa gastos sa gamot at pagpapaospital kapag minalas na kinapitan ng kinatatakutang virus?

Sakali mang ituloy ng pinuno ng Lungsod ng Maynila ang pag-aalis sa paggamit ng face shield, patuloy pa rin akong gagamit nito dahil kaligtasan ko ang nakasalalay dito.

Hindi kayang dugtungan ng sinomang opisyal ang buhay ko sakaling mamiligro dahil lamang sa kagustuhang tanggalan ako ng dagdag-proteksiyon laban sa virus.

Sabagay, marami sa mga indibidwal ang hindi maayos ang paggamit sa kanilang face shield, ang iba nga ay ginagawang headband dahil hindi umano komportable. Well, goodluck! Sana lang hindi kayo matamaan ng COVID-19 dahil gaya ng kasabihan, ang pagsisisi ay laging nasa huli!

Leave A Reply

Your email address will not be published.