Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Face shield ginawang mandatory

0 249

Julius M. Segovia

Base sa direktiba ng Department of Transportation na pinatibay ng Inter-Agency Taskforce on Emerging Infectious Diseases, required nang magsuot ng face shield sa mga pampublikong sasakyan. Bukod pa ‘yan sa suot-suot mo nang face mask.

Pati ang Department of Labor and Employment, minumungkahi ring i-require ang mga empleyado na magsuot ng face shield sa mga workplace.

Paraan na rin daw ito para maiwasan ang lalo pang pagkalat ng COVID-19 infections.

Dahil walang budget, kanya-kanyang diskarte ang mga Pinoy para makasunod sa bagong panuntunang ito. May ilang nagsariling sikap sa paggawa ng face shield. Yari sa basyo ng bote ng mineral water ang ipinantakip sa mukha. Pati nga ang face mask, gawa rin sa gamit nang styro cup.

Maabilidad talaga ang mga Pinoy. Ika nga, diskarte all the way. Ang problema, safe din ba itong gamitin na pangontra sa COVID-19 virus?

Kung mga opisyal ng IATF ang tatanungin, puwede naman daw magsariling sikap sa paggawa ng face shield para hindi na gumasta. Pero kung health experts ang masusunod, dapat maging maingat sa paggamit nito.

Tiyaking malinis ang gagamiting face mask at face shield. Hindi puwedeng mag-ulit ng face mask kung hindi naman ito washable. One-time use lang ang surgical o medical mask. Ang face shield naman, dapat sina-sanitize pagkatapos gamitin. Hindi puwedeng paulit-ulit itong gamitin nang hindi nililinis.

Nito lang linggo, kinumpirma mismo ng Philippine Genome Center at Research Institute for Tropical Medicine na may nadiskubreng bagong variant ng coronavirus sa small samples ng COVID-19 positive sa Quezon City.

Ang bagong variant ng COVID-19 virus, transmissible o mas mabilis daw maipasa sa ibang tao.

Bagaman hindi nito sinasalamin ang kabuuang sitwasyon sa buong bansa, nagpaalala pa rin ang DOH na sundin ang health protocols. Iginiit ng ahensiya ang BIDA solusyon campaign na paulit-ulit nilang ipinapayo sa publiko.

B-awal ang walang mask.
I-santize ang mga kamay.
D-umistansya ng hanggang isang metro.
A-lamin ang totoong balita.

Ang sa akin lang, maging responsable tayong mamamayan. Kung susunod lang tayo sa minimum health standards na umiiral sa ilalim ng community quarantine, tiyak na maiibsan kundi man tuluyang matuldukan ang lumolobong kaso ng COVID-19 sa bansa.

Leave A Reply

Your email address will not be published.