Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Face-to-face class sa mga bakunado lang

0 202

Tanging mga bakunadong estudyante at guro lamang ang papayagan ng Commission on Higher Education (CHED) na lumahok sa limited face-to-face class sa mga unibersidad at kolehiyo.

Pahayag ni CHED Executive Director Cinderella Benitez-Jaro kahapon, ang mga hindi pa fully vaccinated at ang mga wala pang bakuna na estudyante ay maaaring magpatuloy sa kanilang pag-aaral sa pamamagitan ng remote learning.

“For those unvaccinated, for those students who could not participate in the limited face-to-face classes, they shall continue to be governed by our guidelines on flexible learning. This entails additional modalities such as online or offline mode,” ayon kay Jaro.

Paglilinaw din ni Jaro na ang mga fully vaccinated na tinutukoy ay ang mga taong nakatanggap ng pangalawang turok ng mga two-dose vaccine o nakatanggap ng isang dose ng single-dose vaccine.

Samantala, sinabi ni CHED chairperson Prospero de Verra III sa isang pulong balitaan na hindi pa nila isusulong ang mandatory vaccination para sa mga guro at estudyante, kahit magsisimula na ang limitadong face-to-face class sa mga kolehiyo at unibersidad.

Subalit hinikayat nito ang mga estudyante na magpabakuna na upang makabalik sa face-to-face class.

Ayon kay De Vera, nagkaroon siya ng pulong sa mga opisyal ng Coordinating Council of Private Educational Associations of the Philippines (Cocopea) at kanyang sinabi na kailangang pag-aralan muna ang mandatory vaccination.

“Kasi we are still hoping at this point in time that by saying we can only have face-to-face if you are vaccinated, would be an incentive for students to get vaccinated so they can go back to school,” paliwanag ni De Vera nang matanong sa isyu ng puwersahang pagbakuna.

Sinabi pa ni de Vera na tutugunan muna nila ang isyu sa pagpapabakuna dahil maraming estudyante aniya ang nais maturukan na laban sa COVID.

Kamara pumalag sa puwersahang bakuna

Susulat ang House committee on labor and employment sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) upang ipasuspendi ang implementasyon ng dalawang resolusyon nito na nagsasabi na dapat lahat ng pumapasok na empleyado ay naturukan na laban sa COVID at ang mga hindi bakunado ang gagastos sa kanilang regular na RT-PCR test.

Sa pagdinig kahapon, pinaboran ng mga miyembro ng komite ang mosyon na sulatan ang IATF para ipanawagan ang pagsuspendi sa Resolution 148-B at 149. (Sherrylou Nemis/Dolly Cabreza/Billy Begas)

Leave A Reply

Your email address will not be published.