Abante Tonite Interactive

Facebook ni Mayor Sara nasa ‘hack lock’

319

Prosperidad, Agusan del Sur – Tuluyan nang naging biktima ng ‘cyber tokhang’ ang Facebook account ni Davao City Mayor Sara Duterte matapos ito umanong burahin ng Facebook management.

Sa isang panayam sa bayan ng Prosperidad sa Agusan del Sur inilahad ni Mayor Duterte na tuluyan nang naglaho ang kanyang personal Facebook handle.

Ayon sa Presidential daughter, hindi na umano siya ma-tag o mahanap ng kanyang mga kaibigan at perso­nal na kakilala kapag sine-search ang kanyang account na ‘Sara Zimmerman Duterte’.

“Yes, sabi nila, kasi hindi na nakikita ‘yung account ko. ‘Yung ang sabi ng friends ko,” saad ni Mayor Duterte.

Ayon sa alkalde ng Davao City, mahabang panahon na din niyang hindi ma-access ang kanyang Facebook page matapos ito umanong ma-lock down dahil sa mass reporting ng mga umano’y ‘online trolls’ na ginagamit ng kanyang mga kritiko.

Ayon kay Jefry Tupas, hepe ng City Information Office ng Davao City Hall at tumatayo din bilang chief media coordinator ng Hugpong ng Pagbabago (HNP), itinanggi ng Facebook management na purge ang FB handle ni Mayor Sara subalit aminado silang inilagay ito sa ‘hack lock’ mode dahil umano sa dami ng nagtatankang i-access ito nang walang pahintulot ng alkalde.

“…strong signs there were attempts to hack your account, we placed it in a hack lock,” paliwanag ng Facebook management sa kampo ni Mayor Sara.

Paliwanag naman ng Presidential daughter na baka gumawa na lamang siya ng panibagong Facebook handle kung tuluyan na niyang hindi ma-access ang kanyang personal account. (JC ­Cahinhinan)