Abante Tonite Interactive

Factory worker sa Subic 36 beses sinaksak

340

Kalunos-lunos ang kamatayang sinapit ng isang babaeng factory worker dahil tinadtad ito ng saksak sa katawan sa loob ng kanyang tinutuluyang bahay sa Subic, Zambales noong Martes.

Base sa ulat na inilabas ni P/Maj. Gilbert Diaz, hepe ng Subic Municipal Police Station, nagtamo ng 35 saksak sa dibdib at isa sa panga ang biktima na kinilalang si Carmela Catindig, 30-anyos.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, isang factory worker ang biktima sa Subic Bay Freeport.

Posible umanong ginahasa ang biktima ng hindi pa kilalang suspek dahil sa hubad ito nang matagpuan ang bangkay ng kanyang mga kapitbahay.

Nalaman sa pag-iimbestiga ng pulisya na nakapasok ang suspek sa pamamagitan ng pagsira ng kandado sa harapang pintuan ng bahay ng biktima.

Nawawala rin ang halagang P30,000 ng biktima at cellphone nito kaya pagnanakaw ang pinaniniwalaang inisyal na motibo ng suspek.

Sinabi ng pulisya na may person of interest na sila sa krimen batay na rin sa salaysay ng isang saksi pero sadyang hindi muna ito pinangalanan habang hindi pa nahuhuli upang hindi masira ang ginagawa nilang operasyon. (Edwin Balasa/Randy Datu)