Abante Tonite Interactive

Faeldon hindi pa rin umuupo sa BuCor

By
475

Hindi pa rin nakakaupo sa kanyang bagong posisyon bilang pinuno ng Bureau of Corrections (BuCor) si dating Bureau of Customs (BOC) Commissioner Nicanor ­Faeldon.

Ito ang nilinaw ni Justice Secretary Menardo Guevarra kahit pa inanunsyo na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagtalaga niya kay Faeldon sa BuCor kapalit ni Dating PNP chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa na nagsumite ng Certificate of Candidacy (COC) sa pagka-senador.

“Mr. Faeldon has not assumed office as of today. I will confer with him as soon as he accepts the job and reports for work,” saad ni ­Guevarra.

Kaya para pansamantalang may mamuno sa ahensiya, kinumpirma ni Guevarra na hinirang muna niya si BuCor Deputy ­Director General Melvin Ramon Buenafe bilang officer-in-charge.

Ang BuCor ay ahensiyang nasa ilalim ng pangangasiwa ng DOJ.

Sa kasalukuyan, si Faeldon ay umuupo bilang Deputy Administrator for Operations ng Office of the Civil Defense.

Matatandaan na nagbitiw si Faeldon sa puwesto bilang pinuno ng BOC kasunod ng paglutang ng isyu kaugnay ng P6.4 bilyong shabu shipment na nakapuslit umano sa ahensiya noong nakaraang taon.