Abante Tonite Interactive

Fajardo, Castro panopla vs Chinese Taipei Markado

By
4,256

Asahan ang dogfight sa sagupaan ng Gilas Pilipinas at Chinese Taipei sa Window 3 ng 2019 FIBA World Cup Asian qualifiers bukas, June 29, sa Taipei He­ping Stadium.

Hawak ng Filipinos ang 3-1 card at pasok na sa next round. Kaila­ngan ng Chinese Taipei ng isa pang panalo para umusad.

Noong November sa Smart Araneta Coliseum ay naligtasan ng Pilipinas ang Chinese Taipei 90-83 kaya asahan ang mas mabangis pang Taiwanese ngayon.

Sa larong iyon ay malamig si naturalized Andray Blatche, rumes­ponde sina June Mar Fajardo at Jayson Castro para balikatin ang Gilas.

Nasa sarili nilang teritoryo ang Taipei, gigil bumawi.

Sina Quincy Davis, Chou Yi-Hsiang at Huang Jhen ang na­nguna sa scoring ng Chinese Taipei sa unang pagtatagpo, pero wala si Huang sa lineup bukas.

Sa mismong araw na ng bakbakan ihahayag ni coach Chot Reyes ang gagamitin niyang lineup mula sa 15-man pool na bitbit sa Taipei.

Asahan din ang matinding balyahan ng dalawang naturalized center na sina Blatche at Davis.

Sa unang laro ay maagang nag-init si Davis bago naubusan sa dulo.

Kaabang-abang din ang tapatan sa backcourt.

Dahil wala sina Kiefer Ravena at Kevin Alas, mas malamang na sina Jayson Castro at Terrence Romeo ang pangunahing gagamitin ni Reyes pantapat kina Chen Ying-Chun at Chiang Yu-An. Mayroon pang Jio Jalalon at Baser Amer ang Gilas.

Wala si Chen sa first meeting ng dalawang bansa sa qualifiers, inaasahang ibabalik siya ngayon.

Markado pa rin si Castro na tumabo ng 20 points kontra Taipei noong November, gayundin si PBA four-time MVP Fajardo.