Abante Tonite Interactive

Fajardo mahilig sa eSports

252

Bukod sa pagiging eight-time Philippine Basketball Association Best Player of the Conference at 5-time Most Valuable Player, isa si June Mar Fajardo sa mga nahihilig sa iba’t ibang laro sa electronic sports o eSports.

Kinuwento ni Fajardo na ‘di pa man siya nakakatuntong sa dinodominang propesyonal na liga ng basketbol sa bansa, nahihilig na siya sa paglalaro ng mga internet video at mobile games na kabilang sa eSports.

Unang nagustuhan niya ang Command & Conquer: Generals na laro bago unti-unting sinubukan ang Arena of Valor, Call of Duty at CounterStrikeGo.

Hindi na rin nahihiwalay ang basketbolista sa halos karamihan na mga popular na laro ngayon sa eSports tulad ng Dota2, Tekken 7, Starcraft at Mobile Legends.

“Kung minsan, pagkatapos ng praktis namin o kaya wala kaming laro ay hindi na ako lumalabas ng bahay para lang maglaro,” sambit pa ng San Miguel Beer center.

Sa kasalukuyan ay madalas niyang makalaro ang isa pang cager na si Jean Marc Pingris ng Magnolia Pambansang Manok.

“Nakita ko si Ping noon sa Metro Walk habang naglalaro ako dati. Nakita ko siyang dumating at umupo pa si Ping sa likod ko at ‘di ako pinansin dahil ‘di pa niya ako siguro kikila noon,” sabi pa ni Fajardo. “Ngayon, kaming dalawa ang madalas na magkakampi at meron kaming mga nakakalaban online.”

Wala naman balak si Fajardo na magpokus sa paglalaro ng matagal o kahit na maging miyembro ng national eSports team.

“Mahirap sumabay sa iba kasi sila nakakapag­laro ng mga 15 to 20 hours eh. Ako hindi puwede kasi nag-eensayo at naglalaro kaya hindi talaga ako nababagay maging player nito,” wakas ni Fajardo.