Abante Tonite Interactive

Fajardo, Slaughter, Almazan, Tenorio mga patok sa Asiad

By
5,018

Naglabas na ng decision ang FIBA tungkol sa nangyari noong laro ng Gilas kalaban ang Australian National Team na ginanap sa Philippine Arena noong Hulyo 2, 2018.

Naalala natin na lumamang ang Australia ng mga 31 puntos, sa mga bandang 3rd quarter ng laro, at dahil sa tambakan na nangyari, medyo dumapo ang frustration sa ating mga manlalaro.

Marami nga ang nagsasabi na medyo napahiya ang ating mga manlalaro na umani naman ng papuri pagkatapos ng napakagandang laro laban sa Chinese Taipei noong June 29, 2018 sa iskor na 93-71.

Sa larong pinakita ng ating mga manlalaro, noong laban sa ROC, ang tingin ko nga ay lahat ng bansa sa Asia ay mahirapan sa atin, dahil napaka-flawless ang ating mga manlalaro sa larong ‘yun.

Kabaliktaran naman ang laro ng ating koponan laban sa Australia. Hindi tayo makapuntos at ang Australia naman, napakaganda ang laro, depensa at 3-point shooting nila.

Makikita mo ang pagkadismaya sa mukha ng ating mga player. At doon na nangyari ang hindi kanais-nais na suntukan at batuhan ng bote at silya.

Dahil dito, sinuspende ng FIBA ang mga atleta natin, karamihan sa kanila ay maglalaro sana sa Asian Games, na gaganapin sa Indonesia.

Sa nangyari, tatlo lang sa original Gilas team ang makakalaro. Ang sabi ni PBA commissioner Willie Marcial, puwedeng pumili sa mga koponan ng PBA ang Samahang Basketbol ng Pilipinas o SBP para isama sa koponan na maglalaro sa Asiad.

Sabi pa nga ng iba, baka puwede isabak na lang sa torneo ang isang team sa PBA, katulad ng San Miguel Beer o Rain or Shine. Maganda rin itong suggestion, kasi kilala na nila ang isa’t isa at ang sistema ng kanilang coach.

Sa dami ng talento sa PBA, kung ako ang tatanungin, kukunin ko bilang sentro si June Mar Fajardo, Greg Slaughter at Raymond Almazan.

Sa guwardiya naman, ang ganda ng pinapakita ng beterano na si LA Tenorio, Chris Ross, Stanley Pringle, Chris Tiu, JV Casio at Cabagnot.

Sa mga tirador na shooter sa labas, kukunin ko si Marcio Lassiter ng San Miguel at si Jeff Chan ng Ginebra. Puwede rin isingit si James Yap, ang kasalukuyang 3-point king sa PBA.

At sa forward naman, Vic Manuel ng Alaska at Gabe Norwood. Sa aking pananaw, puwede na isabak ang mga ito sa Asian Games.