Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Fake abogado timbog sa face shield scam

0 265

Arestado ang isang lalaki na bukod sa nagpanggap na abogado ay sangkot din sa face shield sale scam sa Taguig City.

Kinilala ang suspek na si Juan Antonio Evangelista, 47. Nadakma siya sa isinagawang entrapment operation sa 29th floor ng World Plaza commercial building sa Bonifacio Global City noong Martes.

Nag-ugat ito sa reklamo ng mga biktimang sina Reinchild Salting at Carina Lim. Ayon sa mga biktima, nagpakilala ang suspek na isang lawyer at authorized agent ng SkyPhil Corporation, na nagbebenta ng mga face shield at may bodega umano sa Paco, Manila.

SM food to go Banner Ad

Pero matapos matanggap ang bayad na P900,000 para sa 22,000 piraso ng face shield noong Agosto 22 ay hindi na umano nagparamdam ang suspek. Dahil dito, nagtungo ang mga biktima sa sinasabing warehouse ng suspek pero isang Eline Rafin ang nagsabi na walang imbak ng mga face shield doon at hindi rin nito kilala si Evangelista.

Noong Lunes nakontak ng mga biktima si Evangelista na nagsabing nagkaproblema ang delivery truck niya at cellphone kaya hindi nai-deliver ang mga face shield. Sinabihan din ng suspek sina Salting at Lim na hindi na mare-refund ang pera nila at makukuha lang ang mga face shield kapag binayaran ang ikalawang order ng mga ito na 50,000 piraso ng face shield na nagkakahalaga ng P2 milyon.

Nakumpiska kay Evangelista ang isang bag na naglalaman ng P1,000 bills na boodle money pati na ang gamit niyang Integrated Bar of the Philippines ID. Nang berepikahin, lumabas na hindi totoong abogado ang suspek at ang gamit nitong IBP Lifetime Number ay pagmamay-ari ng ibang abogado.

Mahaharap si Evangelista sa mga kasong estafa at falsification of public documents. (Issa Santiago)

Leave A Reply

Your email address will not be published.