Abante Tonite Interactive

Fake event binira ng PDP-Laban

1,967

Binatikos ni PDP-Laban Public Information Committee Chairman Ronwald Munsayac nitong Biyernes ang mga organizer ng isang event na ginanap noong Miyerkoles sa Quezon Memorial Circle at sinasabing ipinagdiriwang nila ang ika-36 na anibersaryo ng ruling PDP-Laban party.

Naunang ipinagdiwang ng PDP-Laban ang kanilang ika-36 na anibersaryo sa The Peninsula Manila nitong Miyerkoles.

“Hindi si Rogelio Garcia ang National Council Chairman. Si Pangulong Rodrigo Duterte ang National Chairman ng PDP-Laban. Suspendido ang membership ni Garcia dahil iniimbestigahan pa ng Partido ang kanyang kaso,” sabi ni Munsayac.

Pinangunahan ang event sa Quezon Memorial Circle nina Cesar Cuntapay, ang PDP-Laban member na tinanggal ng partido dahil sa hindi nito pagsunod sa mga alituntunin; Garcia at iba pang mga kritiko ni House Speaker at Party Secretary General Pantaleon Alvarez.

“Ang ating Chairman, si Pangulong Rodrigo Duterte, ang siyang nag-aatas ng day-to-day ma­nagement ng Partido kay Party President Aquilino “Koko” Pimentel, Party Secretary General Panta­leon Alvarez at Vice Chairman Alfonso Cusi. Hindi lamang kinukuha ni Garcia ang posisyon ni Pangulong Duterte kundi sinusuway pa niya ang karapat-dapat at halal na lider ng partido,” pahayag pa ng opisyal ng partido.

Sinabi ni Pangulong Duterte, sa pamamagitan ni Presidential Spokesperson Harry Roque, na pansamantalang isasangguni muna niya ang lide­rato sa partido.

“Bilang head ng discipline committee, si Vice Chairman Alfonso Cusi ay nag-iimbestiga na sa mga miyembrong nagtungo sa walang pahintulot na event sa Quezon City. Tiniyak niya sa liderato na maghihigpit siya subalit mananatiling patas ang proseso,” pagtatapos ni Munsayac.