Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Fake news indikasyong maganda ang serbisyo ng Maynila sa lahat

0 155

Nakalulungkot na ang social media ay kasalukuyang binabaha ng mga post na fake news o ‘yung tinatawag na ‘demolition job’ na naka-direkta sa inyong lingkod.

Ako po ay naniniwala na ang publiko ay hindi naman uto-uto upang agaang maniwala sa mga fake news sa social media na nagsasabing hindi daw welcome ang mga taga-Visayas at Mindanao sa Maynila. Walang matinong pulitiko o opisyal ng pamahalaan ang maglalabas ng ganitong uri ng mga pahayag.

Katawa-tawa na ang mga nasa likod nito ay tila iniinsulto ang talion ng mga netizen, lalupa at mula pa lamang sa umpisa, lahat ng serbisyong pang kalusugan sa lungsod ay naging bukas hindi lamang sa mga residente kundi maging sa mga hindi rin taga-Maynila, kung saan kasama maging ang mga taga-probinsiya, gaano man kalayo ang mga ito.

Sa katunayan, hindi na mabilang nga mga kababayan natin mula hanggang Mindanao at Visayas regions ang napaglingkuran na sa Manila COVID-19 Field Hospital na pinamumunuan ni Director Dr. Arlene Dominguez at nakinabang sa libreng swab tests, gayundin sa libreng Tocilizumab at Remdesivir na ibinigay ng pamahalaang-lokal.

Habang isinusulat ito, ang mga nakatanggap na ng mga nasabing mamahalin at mahirap matagpuang gamot na nakapagliligtas ng mga pasyenteng may severe o critical na COVID case ay umabot na sa may 700. Marami sa mga ito ay mula sa malalayong lalawigan gaya ng Bacolod, Negros, Cebu, Iloilo, Davao del Sur, Cotabato at Lanao del Sur.

Maging ang anim na ospital na pag-aari ng lungsod ng Maynila —isa kada distrito— ay nangangalaga sa kasalukuyan ng pasyente na mula sa Visayas at Mindanao regions dahil nga sa naging polisiya na sa Maynila na maging bukas ang pintuan nito sa lahat ke taga-Maynila man o hindi, sa anumang paraan na posibleng makatulong ang lokal na pamahalaan. Ito ang polisiyang ipinatutupad namin sa Maynila ng aking napakasipag na Vice Mayor na si Honey Lacuna na siya ring namumuno sa health cluster ng lungsod.

Gaya ng paniwala namin ni Vice Mayor Lacuna mula nang magkaroon ng pandemya, ang pandaigdigang problemang ito ay ‘universal’ at ito ay dapat na tugunan ‘inclusively’ o may pag-akap nang walang sinisino. Ang coronavirus ay walang kinikilalang boundaries at ang pangangalaga sa mga nagtutungo sa Maynila ay katumbas na rin ng pangangalaga sa aming mga sariling mamamayan.

Para sa akin, ang mga fake news posts sa social media ay maliwanag na pagtatangkang siraan ang polisiyang ito ng pamahalaang-lokal ng Maynila.

Kumbaga, ‘glass half full’ ang aking pananaw dito. Malinaw na nangangahulugang epektibo ang ginagawa naming paglilingkod maging sa mga taga-labas ng Maynila.

***

Lubos kong pinasasalamatan ang Department of Interior and Local Government – National Capital Region (DILG-NCR) sa pagbibigay ng espesyal na pagkilala sa ‘approach’ na aming pinatutupad sa lungsod sa Maynila laban sa iligal na droga.
Sa isang congratulatory letter, pinapurihan ng DILG ang Manila Anti-Drug Council (MADAC) sa mga accomplishments nito.
Ang lungsod ng Maynila ay lumahok sa 2021 Anti-Drug Council (ADAC) Performance Audit sa ilalim ng Highly Urbanized City (HUC) category. Ang audit ay naka-focus sa MADAC performance sa taong 2020.

Ang Maynila ay nakakuha ng score na 85 sa audit results para sa kampanya nito laban sa iligal na droga, na nangangahulugang ang MADAC ay “highly functional.”

Sa isang liham, sinabi ni DILG-NCR regional director Maria Lourdes Agustin: “Ang ADAC Regional Audit Team (ART) commends the MADAC for its accomplishments in introducing new ideas or innovation which added value in the implementation of the anti-illegal drugs programs.”

Kalakip ng liham ni Agustin ay isang kopya ng pirmadong ADAC-Functionality Monitoring System (FMS) Generated Report. Doon ay binanggit ni Agustin na ang resulta ay pormal nang inendoso sa ADAC National Audit Team (ANT) para sa validation.

Pinapurihan din ang lungsod sa pagtulong sa mga drug users sa pamamagitan ng rehabilitation programs.

Kami ay lubos na nagpapasalamat sa DILG-NCR para sa sa napakahalagang pagkilalang ito. Lahat ay aming ginawa upang mapanatiling “drug-free” ang aming lungsod habang pinananatili ang mataas na paggalang sa mga karapatang pantao.

Nais kong tiyakin sa DILG at sa lahat na ang polisiya ng paggalang sa mga karapatang pantao ay mananatili sa Maynila, lalupa’t ito ay napatunayang naging matagumpay.

***

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ding mga Batang Maynila. Manila, God first!
***
Maari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang-lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account— ‘Isko Moreno Domagoso.’

Leave A Reply

Your email address will not be published.