Abante Tonite Interactive

False awakening

195

Napanagi­nipan kong gumising na raw ako at bumangon. Nakita ko rin ang sarili ko na lumabas na ako sa kuwarto at maliligo na raw ako. Pero bigla raw na-realize kong nakahiga pa rin ako sa kama. Bumangon daw ulit at lumabas ng kuwarto. Pero nagising ako at panaginip lang pala ang lahat dahil nasa kama pa rin ako. Ano ang ibig sabihin ng ganitong pa­naginip?

Ang tawag sa iyong panaginip ay “false awakening.” Sa ganitong panaginip pakiramdam mo ay totoong nagising ka, bumangon at lumabas ng kuwarto. Nangyayari ang ganitong panaginip kapag napunta sa tinatawag na “semi-awake” stage kung saan masasabing gising na ang isip mo pero tulog pa ang katawan mo. Kaya naman sa isip mo ay ginagawa mo na ang mga pang-araw-araw mong routine tulad ng paglabas ng kuwarto at iba pa.

Sa iyong pana­ginip, dalawang beses na naulit ang awakening loop at hindi naman ito kakaiba dahil ang sa mga pag-aaral ang ibang tao ay higit pa sa dalawang beses nangyayari ang loop kung saan tinatangka nilang paulit-ulit na gawin ang paggising para lamang ma-realize na nananatili silang tulog at panaginip lang ang lahat.

Minsan ay nauuwi ito sa sleep paralysis kung saan gusto mo nang igalaw ang iyong katawan pero hindi mo magawa. Dahil sa ganitong senaryo, may mga taong itinuturing na bangungot ang ganitong panaginip kaya sa halip na magising nang maa­yos ay nagigising silang takot na takot dahil nga nagpapaulit-ulit lamang ang senaryo.

Madalas ikinokonek ang ganitong panaginip sa stress, pagkalito at pagkabalisa. Bagama’t marami nang pag-aa­ral na ginawa tungkol sa false awakening ay wala namang makapagbigay ng tiyak na rason kung bakit nangyayari ito sa isang tao.

Sa halip ay pinapa­yuhan ang mga madalas magkaroon ng ganitong panaginip na mag-exercise araw-araw para sumigla ang daloy ng dugo. Bukod dito, pinapayuhan din ang mga nananaginip ng ganito na magrelaks muna bago matulog. Umiwas sa pagpupuyat sa mga gadgets at ipahi­nga nang husto ang isip at katawan hanggang sa makatulog.

Sa kabuuan, wala namang dapat ipangamba sa ganitong uri ng panaginip. Makabubu­ting bigyan ng panahon ang pagrerelaks at umiwas sa mga stress. Ang iyong panaginip ay hindi na kailangang big­yan ng ibang intepreta­syon dahil posibleng dala lamang ito ng matin­ding pagod sa mga pang-araw-araw na hamon ng buhay.

***

DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating pana­ginip. Wala itong kinalaman sa relihi­yon, kulto o anumang ispiritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang pana­ginip, mag-email sa abantedreamcat­cher@gmail.com.