Abante Tonite
Mabilis sa Balita

False survey?

0 740

Kaduda-duda ang biglang pag-release ng Pulse Asia Survey kung sino ang napipisil nilang Pangulo at Pangalawang Pangulo kung ngayon gagawin ang National Election 2022.

Una, isinagawa ang survey mula Pebrero 22 – March 3, 2021.

Ang ilang pangunahing balita sa panahong iyon ay;

> February 28 – Natanggap ng Pilipinas ang kauna-unahang shipment ng Covid-19 vaccines. Ito ang 600,000 doses ng China-based drugmaker Sinovac Biotech vaccine CoronaVac.

> March 1 – Siinimulan na ng Department of Health (DOH) at National Task Force Against COVID-19 vaccination campaign ng 600,000 doses of donated COVID-19 vaccines na Sinovac. Si Philippine General Hospital (PGH) Director Gerardo Legaspi ang kauna-unahang frontliner na legal nang nabukanahan ng CoronaVac.

At ngayon na kumakalat ang tinatawag na ‘community pantry’, isang boluntaryong pamimigay ng ilang indibidwal para sa mga nangangailangan na mahihirap na pilipino, baka may mabago sa resulta ng survey na yan.

Maaari rin na ang paglabas ng survey na ito ay layong mabawasan o palamigin ang galit ng mamamayan sa kasalukuyang administrasyon, na sa tingin ng publiko ay nagkulang o kaya ay di maramdaman sa ilang lugar matapos na muling isa-ilalim ang Metro Manila sa Enhanced Community Quarantine o Modified Enhanced Community Quarantine.

Dahil nabigo ang una nilang pagtatangka na akusahan na ang community quarantine ay gawain ng maka-kaliwang grupo. Lalo pang pinalakas ng ‘red tagging’ ang kilusang ito na kung saan dumami pa ang puwesto sa buong Pilipinas.

Ang mahadping sikmura ay wala ng kinikilalang kulay o organisasyon. Basta anumang uri ng tulong, desperado na itong tatanggapin ng mahirap.

Maaaring ang resulta ng ipinalabas na survey ng Pulse Asia ay sumasalim sa situwasyon noong panahon na sila ay nagtanong at hindi maaaring yan pa rin ang desisyon ng pilipino sa kasalukuyan na maiinit ang isyu ng ayuda,West Philippine Sea at ang China at ang tumataas na bilang ng covid19.

Bakit hindi tumayo ang mga kinatawan ng Pulse Asia sa mahigit 300 na community pantry at doon nila itanong, “kung ngayon idaraos ang national election, sino ang pipiliin ninyong maging Pangulo at Pangalawang Pangulo?”

Bakit di rin kayo mag-survey sa mga pribadong hospital o sa ospital ng gobyerno? Tumambay ang tao ng Pulse Asia sa mga tent at tanungin ang mga pasyente ng Covid19 na nakapila at naghihintay ng kuwarto at tanungin ninyo, “Sino ang iboboto ninyong Pangulo at Pangalawang Pangulo, kung ngayon idaraos ang Eleksyon 2022?”

Ang kailangan natin ngayon ay isang malayang survey. Transparent at totoo! Libre at hindi binayaran ng ilang politiko na nangomisyon para magsagawa mg survey. Pag may bayad, hindi maiwasan para sa isang survey company na paboran o kahit papaano ay maging maganda ang resulta para sa kanilang kliyente.

Ang panganib kasi ng political survey ay ang pagkondisyon sa kaisipan ng mayorya batay sa 1,000 respondents o tumugon na di natin alam ang pagkakilanlan.

Kaya kung di tutugma sa ginawang survey ang tunay na resulta ng eleksyon, nalalagay na ito sa pagdududa at nagreresulta ng kaguluhan sa isipan ng marami.

Teka nga pala, magkano ba ang gastos ko o budget kung gusto ko na magpa-survey? Magsasabi ba kayo ng totoo?

Walang personalan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.