Abante Tonite Interactive

Fans pinasaya ng PBA All-Star Week

By
1,704

Mission accomplished ang PBA All-Star Week na maibalik sa fans ang walang sawang suporta sa liga.

Sa tatlong legs ng All-Star, nagawang makasa­lamuha ng fans ang kanilang idolo mula Mindanao, Luzon at Visayas.

Nadalawahan ang Phili­ppine team sa three-leg midseason extravaganza na hatid ng Phoenix Fuel with Pulse Technology.

Inumpisahan sa Davao del Sur nang takbuhan ng Mindanao Selection ang Smart National Team 144-130 noong May 25. Makalipas ang dalawang araw, bumawi ang Nationals sa manipis na 152-149 panalo sa Batangas City.

At sa huling leg sa Iloilo City, nangibabaw ang Visayas squad sa PHL team 157-141.

“Itong All-Star naman talaga, para sa fans,” lahad ni Commissioner Willie Marcial. “Ang importante sa atin, napapasaya natin ‘yung mga kababayan natin na minsan lang natin napupuntahan.

Nitong Linggo sa San Agustin gym sa Iloilo City, pasiklab sa harap ng mga kababayan sina Jeff Chan, Terrence Romeo at Jericho Cruz para giyahan ang home team sa panalo. Solido rin ang back up nina James Yap, Ronald Tubid, June Mar Fajardo at Greg Slaughter.

Pasabog ng 29 points si Chan, may 27 markers si Romeo habang naglista ng triple-double na 20 points, 14 rebounds at 11 assists si Cruz.

Hindi kinayang isalba ng 41 points at All-Star record 27 rebounds ni Calvin Abueva ang Nationals. Walang liban sa tatlong legs si Abueva, pero wala siyang naipanalo. Nasa Nationals siya sa Digos, lumipat sa Luzon team sa Batangas, at balik sa PHL squad sa Iloilo.