Abante Tonite Interactive

Farm-to-market pork ng DA

By
169

Masuwerte itong Department of Agriculture (DA), may panggastos na P10 bilyon para sa implementasyon ng farm-to-market road (FMR) project para sa taong 2019. Tiyak na naglalaway din ang mga mambabatas na maambunan ng FMR ng DA.

Kung makakahingi ng P10 milyong proyekto ang isang congressman sa DA, malaking bagay na ito para sa kanyang distrito dahil nakapagpapogi na siya sa kanyang constituent, busog pa ang kanyang bulsa. Aba’y konting lagay lang ng graba sa kalsada, puwede na itong gawing accomplishment ng proyekto.

Ang lugi lang sa FMR project ng DA, itong mga kongresista ng Metro Manila at iba pang urban areas sa bansa. Pero noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, nakalusot pa rin ang farm-to-market project ng ilang kongresista sa National Capital Region (NCR).

Tatalunin ba ni DA Secretary Manny Piñol ang mga kongresistang hihingi ng FMR pro­ject? Siyempre, hindi. Alam niya kung paano kilitiin ang mga kongresista at ito ang isa sa maaaring magpaligaya sa kanila. Maaaring sabihin ni Piñol o ng ibang kongresista na hindi naman pork barrel fund ang FMR pro­ject dahil ipinagbawal na ng Supreme Court ang Priority Development Assistance Fund (PDAF). Pero hindi lang naman ito ang pinagkukunan ng pork barrel fund ng mga mambabatas.

Kaya tuwing may budget hearing ang DA, nakapila ang mga kongresistang nagtatanong kunwari sa budget ng ahensiya. Pero ang tunay na target nila ay humingi ng proyekto sa kalihim. Gawain na ito noon pang panahon ni dating House Speaker Ramon V. Mitra hanggang sa panunungkulan ngayon ni Speaker Gloria Macapagal-Arroyo.

***

Marami ang nadismaya sa kabagalan ng Department of Transportation (DOTr) na matanggal sa runway ang sumadmad na eroplano ng Xiamen Air noong Huwebes nang gabi. Inabot ng Sabado nang umaga bago natanggal ang Boeing 737 at dakong tanghali pa ng araw na iyon nag-resume ang mga flight. Pero higit sa isang daang flight ang nakansela at ilang libong pasahero ang naperwisyo.

Pero ang nakakaalarma dito, apat na reco­very flight ng Xiamen Air ang dumating pala sa bansa noong Sabado at hindi man lang nakipag-ugnayan sa mga awtoridad. Nakapagdulot tuloy ito ng congestion sa airport. Aba’y parang itinuturing lang na probinsiya ng China ang Pilipinas sa ginawa ng Xiamen Air.

Tiyak na mauungkat ang usaping ito sa gagawing pagdinig ng Senate Committee on Public Services sa susunod na linggo.
“Kasi alam mo napakalaking gastos niyan, hindi lamang sa gobyerno natin, kundi ang mga ibang airlines din doon. Kailangan talagang may managot dito financially,” babala pa ni Poe kahapon. Aabangan natin ang kaganapan sa isyung ito.