Abante Tonite Interactive

Farr, Jalalon namutiktik sa turnover

0 316

Inumpisahan ng Magnolia Pambansang Manok ang PBA Commissioner’s Cup sa 0-2, naipanalo ang sumunod na limang laro.

Pero natatluhang kabit na talo naman, huling tumukod 86-82 sa Rain or Shine nitong Miyerkoles Smart Araneta Coliseum.

Sa kabila ng losing skid, ‘di pinanghihinaan ng loob si coach Chito Victolero.

“Wala namang maitutulong kung mag-dwell kami sa last three games namin,” aniya.

Magkaakbay na ngayon ang Elasto Painters at Hotshots sa 5th-6th, kumakapit sa top 8 na mga aabante sa quarterfinals.

Uusad ang Magnolia sa next round kapag naisahan ang league-leading TNT (9-1) sa pagtatapos ng eliminations sa Miyerkoles.

“Maganda lang ‘dun, nasa kamay pa namin,” dagdag ni Victolero sa estado ng team. “‘Di kami umaasa dito sa team na ‘to, or doon sa Friday’s game o Sunday’s game.”

Naungusan pa ng Magnolia ang Rain or Shine 41-36 sa halftime, ibinuhol sa 69 sa drive ni James Farr higit 8 minutes pa sa laro.

Pero sa sumunod na 2 minutes ay walang naisagot ang Hotshots sa 11-straight points ng Painters at naiwan 80-69, ‘di na nakabalik sa final 6:31.

Walang naipasok ang Magnolia sa anim na tira, nagkaroon pa ng apat na turnovers sa span.

Sa kabuuan ay naglista ng 24 turnovers ang Hotshots – pito rito kay Jio Jalalon at anim kay Farr – na nagresulta sa 20 points ng Painters.

Nanguna ang 24 points ni Ian Sangalang sa Magnolia, tumapos si Farr ng 19 points at 23 rebounds. Kinapos ng isang assist para sa triple-double si Mark Barroca — 14 pts., 10 rebs.(Vladi Eduarte)