Abante Tonite Interactive

Fast food at buffet

386

Sunod-sunod ang mga kakilala kong nasa kalagitnaan pa lang ng kanilang buhay ay inaatake na sa puso o nai-i-stroke sa utak.

Pare-pareho ang kanilang lifestyle o nakagawian sa buhay – laging kumakain sa fast food at buffet restaurants, umiinom lagi ng softdrinks, milk tea, kape at bihirang mga tubig, mahilig sa prito at matatabang pagkain, walang ehersisyo at laging namomroblema.

Dahil mabilis ang takbo ng buhay at kadalasang ubos ang oras dahil sa traffic, ang mga pagkaing madaling ihanda o nabibili kahit saan ang nasa daily diet ng mga Pilipino. Mag­hapon ding nakaupo sa tapat ng computer at pag-uwi naman ay gadgets ang kaharap. Wala nang oras para maglakad-lakad o mag-ehersisyo.

Dagdag pa rito ang mga bisyong pantanggal daw ng stress tulad ng paninigarilyo, pag-inom ng alak at ng mga matatamis na inumin, pagkain ng marami at pagpupuyat kakapanood ng pelikula o series at kakalaro ng mobile games.

Walang gulay at prutas sa ating kinakain. Panay pandesal at puting tinapay ang merienda. Ayaw ring kumain kung walang isang platong kanin.

Kapag may sakit na, doon lamang mapapagtanto na mali ang kinaugaliang buhay. Nalulungkot tuloy dahil ang pakiramdam ay puro bawal na ang mga dating kinakain.

Para sa mga diabetic o matataas ang blood sugar, at para rin sa may mataas na blood pressure, kailangang maging wise na sa pagpili ng pagkain. Maaari pa rin namang kumain sa labas basta’t pipiliin lang ang healthier option sa menu.

Ang pizza ay ok lang sa may type 2 diabetes basta’t ito ay thin crust at bawas ang karne at keso. Palagyan din ng mas maraming gulay ang ibabaw ng pizza.

Pumili ng whole wheat bread at tortilla wraps para sa inyong kakaining may palaman. Maghanap ng fast food na mayroong iniaalok na vegetable at fruit salad (basta’t hindi galing sa lata).

Tanggihan ang alok na i-upsize ang sweet drink. Tumang­gi rin sa extra rice. Isang cup lamang ay ayos na para sa pa­ngangailangan ng ating katawan.

Maganda ang salmon, sardines, herring, mackerel at dilis para sa mga mataas ang blood sugar at blood pressure dahil ang mga ito ang pinanggagalingan ng omega 3 fatty acids. Sa gulay, pinakamainam na may kale at spinach sa diet, bukod sa broccoli, dahil pinanggagali­ngan ang mga ito ng magnesium. Kung wala naman nito, magandang kumain ng talbos ng kamote, okra, malunggay at ampalaya.

Perfect din ang itlog sa kalusugan lalo na kung ito ay pinakuluan (hard-boiled). Da­lawang itlog kada araw at matutulu­ngan nitong bumaba ang bad cholesterol at blood sugar. Mai­nam din na lagyan ng her­bal spices ang pagkain sa halip na asin. Kabilang sa mga spices na nakakapagpababa ng blood sugar ay ang cinnamon at turmeric.

Ang yogurt ay makakatulong naman sa tiyan. Ang probiotics nito ay hindi lamang naglilinis ng bituka, kung hindi tumutulong din na mapababa ang blood sugar at maprotektahan ang puso.

May mga mani rin na malaki ang naitutulong sa kalusugan. Kabilang sa healthy nuts ang kasoy, almonds, hazelnuts, pistachios, walnuts, macadamia at pecans.

Gumamit din ng healthy oils. Pero hindi dapat ito pinaiinitan sa kawali o ginagamit na pamprito dahil kapag nasunog, hindi na rin ito nakakatulong sa katawan.