Abante Tonite Interactive

Fat, female, forty

430

Marou Pahati Sarne

Mabuti pa ang dugo nai-do-donate. Bakit ang taba, hindi?

Madalas na na-giging problema ng mga kababaihang dumarating sa edad kwarenta ay ang napakahirap na tunawing taba sa tiyan hanggang puson.

Mahirap itago ang tabang ito na tinatawag na visceral fat. Pero ang pinakamasaklap, bumabalot din ang tabang ito sa atay, lapay at bituka.

Ang visceral fat na ito ay maaaring maging sanhi ng mga sakit tulad ng type 2 diabetes, pagtaas ng presyon ng dugo, sakit sa puso at problema sa apdo o gallbladder.

Maaaring maipon ang mga bato sa apdo na tinatawag na cholelithiasis dahil sa kolesterol na humahalo sa bile acid. Ang madalas na pananakit ng tiyan (na parang nangangasim), pananakit ng likod na tila may sumasaksak, hindi matunawan, parang may hanging hindi makalabas sa tiyan at pagsusuka ang ilang mga sintomas na namumuo na ang mga bato sa apdo.

Ang pagtaba ay nakakabawas din sa hangarin ng isang babaeng makipagniig. Kadalasan kasi ay tumitigas ang mga ugat na dinaraanan ng dugo, at ito ang nakakapagpabagal o nakakaharang sa pagdating ng dugo sa ari ng babae.

Sa aking sariling karanasan, nabawasan ako ng limang libra sa loob ng 1 buwang pag-eehersisyo. Sinabayan ko ito ng paghinto sa pag-inom ng softdrinks at juices, at dinamihan ko ang pag-inom ng purong tubig lamang.

Binawasan ko rin ang aking kanin at karne at dinamihan ang pagkain ng gulay.

Nakatulong din ang ipinayo sa akin ng kaibigang doktor na pag-inom sa umaga, pagkagising, ng bagong pigang 10 kalamansi sa isang tasang maligamgam na tubig. Sa gabi naman, bago matulog, umiinom ako ng dalawang kutsarang extra virgin olive oil. Malaki ang nagagawa nito sa pag-alis ng taba sa atay at apdo.

Mula sa timbang na 165 na libra noong 2012, ngayon ay napapanatili ko ang timbang ko sa 113 na libra. Sa aking taas na 4 ft. 11”, nasa normal na ang aking timbang (ang normal ay 94 hanggang 119 lbs.)

Magsimula nang magbawas ng timbang, kahit sampung libra lang muna sa loob ng dalawang buwan, upang makaiwas sa mga karamdaman at nang mabuhay pang muli ang ating sex hormones.

Ang ating mga payo ay puwede rin sa mga kalala-kihan.

* Si Marou Pahati Sarne ay host ng programang Radyo Klinika sa Dwiz 882 KHZ AM, 2016 KBP Golden Dove Awardee for Best Radio Magazine Program. Mapapakinggan tuwing Martes hanggang Biyernes, 7:00 – 8:00 pm.