Abante Tonite Interactive

FDA chief sinibak sa korapsiyon

0 511

Sinibak sa puwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Director-General ng Food and Drug Administration (FDA) na si Nela Charade G. Puno.

Ang termination letter na may petsang May 15, 2019 ay binasa ni Presidential Spokesman Salvador Panelo at magiging epektibo agad ito sa sandaling matanggap ng opisyal ang utos ng Pangulo.

Sinabi ni Panelo na ang hakbang ng Pangulo ay may kaugnayan sa kampanya nito na linisin ang korapsiyon sa gobyerno para mapanatili ang tiwala ng publiko sa mga opisyal at tauhan ng gobyerno.

Inatasan ng Malacañang si Puno na i-turn over ang lahat ng mga hawak na dokumento at mga kagamitan sa Department of Health.

Ang termination paper ay may lagda ni Executive Secretary Salvador Medialdea.

Tumanggi namang magbigay ng detalye si Panelo sa dahilan nang pagsibak kay Puno, pero intindihin aniya ang tinutumbok ng termination paper.

“Please be advised that upon instructions of the President, your appointment as Director-General of the Food and Drugs Authority, Department of Health, is hereby terminated effective immediately.

This is in line with the President’s continuing mandate to eradicate graft and corruption, and to ensure that public officials and employees conduct themselves in a manner worthy of public trust,” ang nakasaad sa termination paper na binasa ni Secretary Panelo.

Si Puno, na tinalaga ni Pangulong Duterte noong 2016, ay asawa ng negosyanteng si Rodolfo Puno

Ikinatuwa naman ni Tara Bunch, sister in law ng sikat na natural medicine practicioner sa Tarlac na si Dr. Farrah Agustin Bunch ang pagsibak kay Puno at tinawag niya itong ‘justice.’

Matatandaan na sinugod ng 50 armadong pulis ang natural medicine care facility ni Dr. Farrah sa Tarlac kung saan maraming mga pasyente ang nagpapagamot para sa cancer nung nakaraang taon.

Pinasara ng FDA sa ilalim ni Puno ang facility ni Dr. Farrah at pinagbawalan din itong gumawa ng kanyang mga gamot kaya’t maraming mga pasyente niya ang nagalala at ang iba pa’y namatay nang walang laban dahil hindi napagpatuloy ang kanilang treatment.

May mga ulat na mahilig itong magpa-raid ng mga derma clinic saka gagatasan ang mga ito. (Aileen Taliping/Eileen Mencias)