Abante Tonite Interactive

FDA kailangan pa bang may mamatay bago kayo kumilos?

895

Pinakumpiska ng Food and Drug Admi­nistration (FDA) ang mga lambanog na hindi rehistrado sa ahensya kasunod ng magkakasunod na pagkasawi ng mga nakainom ng nasabing lokal na inuming nakalalasing.

Ayon sa ahensya, pinababantayan na rin nila sa kanilang mga field monitoring team kung mayroon pa ring ibinibentang lambanog sa merkado na hindi dumaan sa pagsusuri ng FDA.

Pinaalalahanan ng ahensya ang publiko na anumang produkto na hindi dumaan sa kanilang pagsusuri ay delikado sa kalusugan at maaari pang humantong sa kamatayan tulad ng sinapit ng mga nakainom ng lambanog na hindi napasuri sa kanila.

Kasabay nito’y inalerto na ng FDA ang kanilang Regional Field Officers (RFO) at mga ahente ng Regulatory Enforcement Unit (REU) para matiyak na hindi na maibebenta sa publiko ang mga hindi rehistradong lambanog.

Matatandaang bago ang pagkasawi ng 13 tao sa magkakahiwalay na inuman ng lambanog sa Quezon City, Calamba at Santa Rosa, Laguna, may iniimbestigahan na rin umanong kaparehong kaso ang FDA na nangyari sa Luisiana sa Laguna, Antipolo City at sa Pampanga.

Sa pagsusuri ng FDA sa lambanog sample mula sa Calamba sa Laguna, gayundin sa Antipolo at Tarlac, nakitang mataas ang antas ng nakalalasong methanol sa alak.

Hindi umano agad malalaman ng mga biktima na nalalason na sila dahil ang epekto nito sa pakiramdam ay tila lasing lang sila.

Lumalabas na 11.7 percent ang methanol content ng lambanog na nainom ng mga biktima sa Laguna; 16 percent sa sample ng lambanog na nakuha Antipolo City, at 21.8 percent mula sa sample na nainom sa Pampanga.

Wish ko lang sa FDA na ito ay maging mabilis naman sa pagkilos.

Nakakawindang naman kasi dahil kinailangan pang matigok ng marami bago sila magising at habulin ang nagbenta ng nakalalasong lambanog.