Abante Tonite Interactive

FDA nagbabala sa pekeng baby wipes

464

Nagbabala ang Food and Drug Administration (FDA) laban sa pagbebenta o paggamit ng ilang brand ng baby wipes na hindi rehistrado.

Kahapon ay tinukoy ng FDA ang Dong Bang Baby Tender baby wipes fresh scented-orange at Dong Bang Baby Tender baby wipes fresh scented-yellow at ang Angels baby wipes.

Sa isinagawang post marketing surveillance ng FDA, napatuna­yan na hindi dumaan sa kanilang pagsusuri ang mga naturang produkto.

Dahil dito, nanga­ngamba ang ahensiya na makasasama ito sa mga sanggol lalo’t sensitibo ang balat ng mga ito.

Sa ilalim ng Food and Drug Administration Act of 2009 ay mahigpit na ipinagbaba­wal ang pagbebenta, pag-angkat, pagluwas at pag-endorso ng mga produktong hindi rehistrado.

Sa ngayon, nana­nawagan ang FDA sa publiko lalo na sa mga ina na may mga anak pang maliiit na iwasan ang paggamit ng mga nasabing baby wipes. (Armida D. Rico)