Abante Tonite
Mabilis sa Balita

FDA tuloy pag-imbestiga sa PSG

0 79

Itutuloy pa rin ng Food and Drug Administration (FDA) ang imbestigasyon kaugnay sa hindi awtorisadong pagpapaturok ng bakuna laban sa COVID-19 ng ilang miyembro ng Presidential Security Group (PSG).

Ito’y sa kabila ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa pagsasagawa ng imbestigasyon ng Kongreso ukol sa isyu ng smuggled bakuna na ginamit ng PSG.

“Ang FDA po mayroon namang set ng proseso kung paano po namin hina-handle at ini-investigate ang mga complaints at saka mga reports po na ganito,” pahayag ni FDA Director General Eric Domingo.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Domingo na sa imbestigasyon ng Kongreso lamang hindi pinapadalo ni Pangulong Duterte ang PSG, at walang binanggit sa ibang mga ahensiyang nais mag-imbestiga.

Bukod sa FDA, plano ring imbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) kung paano nakalusot sa bansa ang mga bakunang itinurok sa mga miyembro ng PSG dahil wala pa namang inaaprubahang bakuna ang FDA na maaaring gamitin sa bansa.

Inurong naman ng ng Armed Forces of the Philippines ang planong imbestigasyon laban sa PSG matapos magsalita si Pangulong Duterte sa isyu noong Lunes. (Aileen Taliping/Juliet de Loza-Cudia)

Leave A Reply

Your email address will not be published.