Abante Tonite Interactive

Female celebrity ginugutom ang driver, kasambahay

1,248

tonite-no-thanks-cristy-fermin

Ibang artista na ang pinagseserbisyuhan ngayon ng isang dating kasambahay ng isang female personality na regular na lumalabas sa isang variety show. Sandali lang na naglingkod sa kanya ang kasambahay.

Hindi ito nakatiis, marami itong reklamo, dahil sobra kuno ang kakuriputan ng babaeng persona­lidad. Nakakuyom daw ang kanyang palad, palaging nag-iimbentaryo ng laman ng kanilang refrigerator, kailangang alam niya ang lahat-lahat ng nangyayari sa kanyang housing authority.

“Wala namang mali sa ginagawa niya, siya nga naman kasi ang nagpapakahirap sa pagtatrabaho, kaya ayaw niyang masayang ang pinagpapaguran niya. Bago siya umalis ng bahay, binubusisi niya ang laman ng ref.

“Bilang niya kung ilang kilong karne pa ang nandu’n, pati ang mga gulay at isda, imbentaryo kung imbentaryo talaga ang ginagawa niya. Tinitiyak lang naman niya na meron pa silang pagkain.

“Pero hindi ‘yun gusto ng mga nagiging kasambahay ng female personality dahil parang pinagdududahan niya ang mga maids niya. E, hindi raw naman sila puwedeng magluto ng gusto nila nang hindi nagpapaalam sa boss nila.

“Kung maganda raw ang mood ng ate nila, e, okey lang, pero kapag mainit ang ulo, no puwede! Hiwalay ang food nila sa kinakain ng family ng female personality.

“Sabi nga ng kasambahay na lumipat na sa ibang artista, tatagal daw ba naman sila sa dalawang pandesal lang sa umaga? E, linis sila nang linis, ayaw nakakakita ng hindi areglado ang boss nila, kaya talagang pagod ang mga kasambahay niya!

“Ang una palang umaalis sa kanya, e, ang kanyang driver. Palagi raw kasing gutom ang piloto niya dahil walang allowance. Sabi nga raw ng driver, kapag nabangga daw sila, ang sasabihin niya sa pulis, e, hilong-hilo na kasi siya sa sobrang gutom kaya sila nabangga!

“Nakakaloka siya, ha? Pero siya, malusog na malusog ang katawan niya, parang hindi siya nagugutom kahit kailan. Naku, isang libo’t isang reklamo ang maririnig n’yo sa mga umaalis niyang kasambahay,” pagtatapos ng aming source.

Pagtulong ni Kathryn sa biktima ng kalamidad, ‘di kailangang ipagduldulan

May mga nagmamahaderang bashers na inu­urirat si Kathryn Bernardo kung meron daw ba siyang ginagawa para makatulong sa mga kababayan nating binaha at binagyo?

Mayamang-mayaman na raw ang sikat na young actress dahil sa dami ng kanyang mga proyekto, pero marunong daw ba namang mamahagi ng kanyang bles­sings ang magandang aktres, aanhin daw naman ni Kathryn ang pera niya?

Kung minsan ay kapos sa pagri-research ang mga banat na lang nang banat. Nasusubaybayan kaya nila ang mga ginagawa ni Kathryn? Palad kaya nila ang humahawak sa mga biyayang parang umaagos na tubig kung tanggapin ng dalaga?

Alam kaya nila na hindi na kailangang pang manalanta ang kalamidad para lang makatulong si Kathryn sa mga nangangailangan na­ting kababayan? ‘Yung ginagawa niyang pagpapa-seminar nang libre sa mga kabataang gustong maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral pero walang pangtustos, magandang puso ni Kathryn at ng kanyang pamilya ang tumutugon, pinagta-trabaho nila sa mga sangay ng kanilang KathNails ang mga pinagse-seminar nila.

Walang pinipiling panahon ang pag-ayuda ni Kathryn at ng kanyang pamilya sa mga kapuspalad, sa paraang alam nila ay maraming-maraming kapwa natin Pilipino ang dinudugtungan nila ang mga pangarap, kulang pa ba ang pagtulong na ginagawa nila?

Ang pagtulong ng mga artista kapag may kalamidad ay sarili nilang desisyon. Hindi sapilitan. Kusang-loob ‘yun. Hindi kailangang ipagduldulan sa kanilang utak ang pamamahagi ng tulong dahil unang-una ay meron tayong gobyernong dapat kumilos para sa mga kababayan nating hinahagupit ng baha at bagyo.