Abante Tonite Interactive

Female celebrity sagad sa kakunatan

By
2,942

MAPANGHINA­YANG pala sa lahat ng bagay ang isang kilalang female personality. Reyna siya sa panghihina­yang, mahilig siyang magkuwenta, kaya ang sabi ng kanyang mga katrabaho ay ipinaglihi siya sa calculator.

Dahil sa matinding panghihinayang niya sa komisyon na kinukuha ng kanyang manager ay kumalas na siya, sayang daw kasi ang mala­king halagang nakukuha nito sa kanyang mga proyekto, kaya siya na mismo ang nagma-manage ngayon sa kanyang career.

Ayaw niyang kumuha ng driver, malaking abala raw kasi sa kanya ang pagkakaroon ng piloto, dahil kaila­ngan pa niyang pakainin ito habang nagtatrabaho siya. Ang female personality na lang ngayon ang nagpapa­kakuba sa pagmamaneho kahit malayo ang location ng kanyang trabaho.

Mapanghinayang din siya sa kanyang mga kagamitan, isang suot lang daw naman ang mga damit niya, kaya meron siyang suking mananahi na binibigyan ng ibang disenyo ang mga damit niyang nagamit na.

Kuwento pa ng aming source, “Kapag may tinatanggap siyang trabaho, nakakuwenta na ang mga gastos niya. Kung TVC ang gagawin niya, kumpleto ang mga detalyeng ipinadadala niya sa agency, kailangang bayad lahat ‘yun bago siya sumalang.

“Wala nga siyang kasambahay, e. Nanghihinayang siya sa ipangsusuweldo niya, kasi, palagi raw naman siyang nasa labas, wala namang gagawin ang maid. Poproblemahin pa raw niya ang kakainin ng kasambahay habang nagtatrabaho siya sa labas.

“Grabeng manghina­yang ang babaeng ‘yun! Kuwentado niya ang bawat sentimong inilalabas niya sa bulsa niya! Para nga siyang ipinaglihi sa calculator, ganu’n siya talaga!” pagkumpirma ng aming source.

Kahit sa pangsarili niyang mga pangangailangan ay nanghihinayang din ang female personality. Kahit minsan ay hindi siya nagdala ng pagkain sa set, ipinabibili niya ang gusto niyang food sa production, nakasima­ngot siya kapag hindi nabibili ang gusto niya. “Hindi siya masaya kahit pa mapera na siya ngayon. Palagi kasing mainit ang ulo niya, konting bagay lang, e, ikinaiirita na niya. May masaya bang ganu’n?” kuwento pa ng aming impormante.

Vice at Ronnie iniintriga ang Canada bonding

BINIGYAN ng ibang kahulugan ang pagsasama ni Vice Ganda kay Ronnie Alonte sa kanyang concert tour sa Canada at Amerika. Sa dinami-dami raw kasi ng puwede niyang isama sa kanyang mga concerts ay bakit ang binatang aktor pa?

Matagal na kasing umi­ikot ang mga kuwento na malapit kay Vice Ganda si Ronnie, may mga chika pa nga na si Vice ang bumibili ng mga sapatos at outfit ng miyembro ng Hashtags, kaya ngayong magkasama raw sila sa ibang bansa ay siguradong mas magiging close pa sila.

Paano raw ang girlfriend ng young actor na si Loisa Andalio, ibig bang sabihi’y may kasalo ito sa pinggan ng pagmamahal ni Ronnie, napapaikutan nga ba ng binata ang kanyang karelasyon?

Isang mapagkakatiwalaang source mula sa Dos ang nakakuwentuhan namin. Kahit daw sila nu’ng una ay nagduda rin sa closeness nina Vice Ganda at Ronnie, pero nang magtagal ay nabura na ‘yun sa kanilang utak, dahil wala naman silang nakikitang ebidensiya.

Sabi pa ng aming source, “Kung closeness ang magi­ging gauge, e, di sana, si Ryan Bang ang dapat i-link kay Vice? Super-close sila, natutulog pa nga si Ryan sa bahay ni Vice?

“Malambing kasi si Ronnie kahit kanino, ma-PR siya, kaya nakuha niya ang loob ni Vice. Pero kung kami ang tatanungin, e, wala ‘yun, walang romance sa pagitan nina Vice at Ronnie, close lang talaga sila,” madiing banggit ng aming kausap.