Abante Tonite Interactive

Female performer mahilig sa matandang dyowa

0 476

Maraming nang-uusisa kung bakit ang nakakarelasyon ng isang popular na female performer ay mas may edad kesa sa kanya. At hindi lang basta ganu’n, napakalayo ng age gap nila, bakit nga ba?

Ang pinakasalan niya ay hamak na mas matanda sa kanya, ang matagal niyang nakasamang aktor ay parang tatay na lang niya, ang kasalukuyan niyang karelasyon ay parang tiyuhin na niya ang itsura.

‘Yun ang tinutukan isang gabi sa isang malaking umpukan. Wala bang dating sa kanya ang mga kaedad niya? Flat ba ang da­ting sa kanya ng mga bagets?

Kuwento ng isang miron sa umpukan, “Lumaki kasi siyang walang father image. Napaka-busy nu’n ng father niya sa isang klase ng career na bibihirang Pinoy lang ang nagkakaroon.

“Palaging wala dito ang father niya, hindi niya nakakasama, kaya dumating siya sa point na naligaw ng landas. Nu’ng makilala niya ang pinakasalan niya, e, ang taong ‘yun ang nagbigay sa kanya ng pagkakataong magbago.

“Binigyan siya ng chance na magbagong-buhay, naging maa­yos ang buhay niya, hanggang sa nakilala na nga siya sa linya niya,” ­unang kuwento ng a­ming impormante.

Ayon sa mga dalubhasa, kung ano raw ang klase ng buhay na unang niyakap ng isang tao ay ‘yun na ang palagi niyang hahanap-hanapin, du’n na siya mas masaya at kumportable.

“Tama ‘yun, marami naman siyang sui­tors na mas bata, pero bakit mas matanda ang nagugustuhan niya? Du’n kasi siya maligaya, ‘yun ang klase ng pagmamahal na hindi niya natikman nu’ng bata pa siya hanggang sa growing up years niya, ‘yun ang parang paghahabol niya sa nawala sa kanya.

“Maraming nanghihinayang sa beauty niya, pero ano naman ang magagawa ng mga nanghihinayang, e, kung sa ganu’ng klase ng re­lasyon siya maligaya?

“Like ngayon, parang tito na lang niya ang boyfriend niya, pero ano ang magagawa ng mga nanghihinayang, kung sa taong ‘yun siya nakakaramdam ng kaligayahan?” pagtatapos ng aming source.

***

Malayo na ang narating ng batang mananampalok

Kaarawan ngayon ng mahal naming anak-anakang si Mayor Enrico Roque ng Pandi, Bulacan. Siya ang may-ari ng Amana Water Park, ang malawak na resort na nagpakilala sa kanyang bayan­ sa mapa ng Pilipinas, hindi kilala nu’n ang bayan­ ng Pandi.

Kapag sinabi mong taga-Pandi ka ay sigurado na ang kasunod ng tanong, “Saan ‘yun?” Pero mula nang ipanganak ang Amana Water Park na sikat na sikat sa kanyang 13 waves ay nakilala na ang Pandi.

Mga unang buwan ng taong 2005 nang makilala namin si Rico. Akala nami’y mag-aartista siya, makisig ang binata, katatapos lang niya ng kursong engineering sa National University.

Mabilis ang kanyang sagot, “Hindi po, ni wala po sa hinagap ko ang mag-aartista, negos­yante po ako,” napakabatang negosyante.

Sa kanya pala ang Bodega Ng Bayan, nu’ng mga panahong ‘yun ay parang Baliwag Lechon ang kanyang negosyo, parang sa bawat kanto ay meron siyang tindahan.

Naging matagumpay ang kanyang negosyo, hanggang sa pagkatiwalaan na rin siya ng isang malaking kumpanya ng telebisyon na maging exclusive distributor ng produkto sa Pilipinas, lumaki nang lumaki ang kanyang pangalan sa linya ng pagnenegosyo.

Isang araw ay may isang alok siyang hindi natanggihan. Mara­ming kababayan niya ang nagsadya sa kanilang bahay, pinakiusapan siyang tumakbong mayor ng kanilang bayan, pero hindi siya agad sumagot at sa halip ay ang naka­babata niyang kapatid na si Ricky ang kanyang pinasali sa mundo ng pulitika.

Nag-number one si Ricky, mas mataas pa ang boto kesa sa tumakbong mayor, ‘yun ang naging hudyat ng karerang political ni Enrico Roque.

Dalawang termino siyang naglingkod bilang mayor ng Pandi, nagpahinga siya ng isang termino, pero ngayon ay muling nagbabalik para minsan pa niyang pagsilbihan ang kanyang mga mahal na Pandieño.

Napakakulay ng buhay ni Mayor Enrico Roque. Kilala siya sa taguring batang mana­nampalok ng Pandi. Para makapasok siya sa eskuwela ay kailangan niya munang manalbos ng sampalok para maibenta nang tumpok-tumpok sa palengke.

Nakatutuwang malaman na ang mga puno ng sampalok na pinananalbusan niya nu’ng bata pa sila ni Ricky ay bahagi na ngayon ng Amana Water Park. Nabili na niya ang malawak na lupain na palaging nagpapaalala sa kanya na ang gulong ng buhay ay palaging umiikot at hindi napa-flat.

Maligayang kaa­rawan, Mayor Enrico Roque, kapos ang mga salita lang para maitawid namin sa iyo ang mga papuri dahil sa mabuti mong puso.