Abante Tonite Interactive

Female performer sinisisi sa problema ng network

1,151

SINESENTRUHAN na naman ng mga upak ngayon sa social media ang isang sikat na female performer. Siya raw ang may dala ng hindi kagandahang suwerte sa network na nilundagan niya.

May hatid daw siyang kamalasan dahil kung kailan siya lumipat ay saka naman nalagay sa alanganin ang istasyong kinabibilangan niya ngayon.

Natural, pinakisawsawan na ‘yun ng buong mundo, may kani-kanyang bira at depensa ang mga nagkokomento sa social media.

Komento ng isang source, “Kung bakit naman kasi natiyempo pa ang senaryong ‘yun sa paglipat niya sa network. Hindi maganda ang timing! Wala naman siyang kasalanan du’n!

“Hindi naman siya ang dapat sisihin sa mga nangyayari dahil talent lang naman siya, hindi siya ang owner ng network! Porke ba nataon ‘yun sa paglipat niya, e, sa kanya na ibibintang ang mga nangyayari ngayon sa network na nilipatan niya?” depensa ng aming kausap sa sikat na female performer.

Ganu’n din ang pananaw ng iba pang kababayan natin, hindi dapat ibunton sa female performer ang matinding problemang kinakaharap ngayon ng istasyong nilipatan niya, nagkataon lang ‘yun.

Sabi pa ng isang nakikisimpatya sa female singer, “Lumipat man siya o hindi sa kabilang network, e, nand’yan na ang problema. Naigng sentro lang siya ng mga bintang dahil sa paglipat niya!

“Instead na magdasal sila na matapos na sana ang problema ng network, e, siya pa ang sinisisi ngayon. That’s too unfair!” pagtatapos ng aming source.

Mismo!

Young actress grabe magmaldita sa driver

ISANG source ang nakasaksi sa kamalditahan ng isang young actress. Akala siguro ng magandang batang aktres ay walang nakarinig kung paano niya pinagalitan at pinagsalitaan nang masasakit ang kanyang driver.

“Kuya, ang tanga-tanga mo talaga! Wala kang alam kundi magmaneho lang! D’yan ka lang talaga maaasahan! Ang lakas-lakas mong kumain, e, ang tanga-tanga mo naman!” ang buong-ningning na pagmamaldita ng young actress.

Pagdating niya sa set ay bumeso ang young actress sa kanyang mga kapwa artista, bumati rin siya sa staff and crew, nakangiti siya at parang ang nice-nice.

Kuwento ng aming source, “Plastic na plastic sa kanya ‘yung personality na nakarinig kung paano niya pagsalitaan ang driver niya! Kung wala lang sigurong pamilya ‘yung driver, e, lumayas na sa kanya!

“Deceiving talaga ang itsura! Hindi ngayon at maganda, e, maganda na rin ang ugali! Napakamaldita ng batang ‘yun! Ang sarap unatin ng hair niya!” komento pa ng source na nakarinig sa pagmamaldita ng maganda pa namang young actress.

Daniel pinalabas na sinungaling ang production, direktor

TAHIMIK na sana ang kapaligiran. Tumabo na nang halos isang bilyon ang pelikulang Hello, Love, Goodbye na pinagtambalan nina Alden Richards at Kathryn Bernardo.

Hindi man nagpakatotoo ang mga ehekutibong nasa likod ng tagumpay ng pelikula ay nilampasan talaga nu’n ang The Hows Of Us nina Daniel Padilla at Kathryn.

Wala na sanang isyu, pero nagdeklara si Daniel na sa kanya raw unang inialok ng Star Cinema ang HLG pero tumanggi lang siya, may usapan na raw kasi sila ng kanyang girlfriend na hindi muna sila gagawa ng pelikulang magkasama sila.

Natural, ang lumabas na sinungaling sa sinabi ni Daniel ay ang produksiyon at ang direktor na ang pinaninindigan ay si Alden Richards lang ang pumasok sa kanilang isip nu’ng planuhin ang pelikula, wala nang iba pang artista.

Hindi namin binibili ang dahilan ni Daniel na nag-usap sila ni Kathryn na hindi muna sila gagawa ng pelikulang sila ang magkatambal. Napakagandang oportunidad nu’ng HLG, pakakawalan niya na lang nang paganu’n, baka si Karla Estrada lang ang may gustong maniwala kay DJ.

Namatay na nga ‘yung kuwento na nu’ng magpunta siya sa Hong Kong ay hindi niya naman talaga pinansin si Alden, kinakausap niya ang ibang mga artista sa set, pero deadma si Daniel sa Pambansang Bae.

Mas pinasikat si Alden Richards ng pelikulang pinagtambalan nila ni Kathryn, patuloy na nagtatagumpay ang binatang walang kaangas-angas sa katawan, ‘yun lang ang aming konklusyon!