Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Female personality binayaran ng milyon fake news

0 210

Umiikot ang balita na binayaran nang milyones ng kampo ng isang politiko ang isang kilalang-kilalang female personality para ito ang kanyang suportahan ngayong halalan.

May mga nagpapalagay na dahil walang gaanong pinagkakakitaan ngayon ang female personality ay tinanggap niya ang alok. Lantaran na siyang nakikitang nakasuot ng jacket ngayon ng naturang politiko.

Ipinagtanggol ang female personality ng kanyang mga kaibigan, ‘yong mga taong nakasama niya sa kasagsagan ng kanyang popularidad ilang dekada na ang nakararaan, nagpapakatotoo lang diumano ang aktres.

Kuwento ng aming source, “Naiinis ang kampo ng female personality, fake news kuno ang balitang kumakalat ngayon na binayaran nang milyones ng partido ng isang politician ang kaibigan nila.

“Hindi raw naghihirap ang female personality, kumakain pa rin siya nang tatlong beses sa isang araw, may midnight snack pa nga raw! Kalokohan ang balita, sila na mismo ang nagsasabi, walang bayarang nangyari!” unang komento ng aming impormante.

Tahimik lang daw ang kilalang-kilalang babaeng personalidad pero kapag kailangan ng pamilya ng politiko ng suporta ay palagi siyang nand’yan lang.

Patuloy ng aming source, “Mag-aral daw muna ng history ang mga nagpapakalat ng fake news na binayaran ng politician ang female personality para lang siya ikampanya.

“Du’n nila malalaman na mula’t mula pala, e, talagang umaakyat na siya sa entablado de kampanya ng pamilya. Kaya huwag nilang palabasin na nagkabayaran, walang ganu’n, gawa-gawa lang ‘yon ng mga taong walang magawa sa buhay!

“Huwag nilang ikumpara ang female personality sa ibang mga artistang bayaran! Loyalty ang sa kanya! Loyalista talaga siya ng pamilya mula pa nu’n hanggang ngayon!

“Naiinis ang mga kaibigan ng female personality, hindi naman kasi naghunyango ‘yong tao kahit kailan! Hindi siya nagpalit ng kulay!” madiing pagtatapos ng aming source.

Willie ‘di iniwan ng sponsor, tuloy ang ayuda

Huling araw na kahapon ni Willie Revillame sa GMA-7. Tapos na ang kasaysayan ng Wowowin-Tutok-To-Win sa Kapuso network. Nakahalos pitong taon siya sa istasyon.

Nagtatawid ng kalungkutan ang kanyang mga tagahanga-tagasuporta sa mga numerong ginagamit ni Willie sa pagtawag sa ating mga kababayan kapag namamahagi siya ng tulong na pampinansiyal.

Daan libong mensahe ng kalungkutan ang kanyang tinatanggap mula sa mga tagasuporta niyang hinayang na hinayang sa pagkawala ng programa. Paano na raw sila ngayon?

Ang halagang treinta mil na ibinibigay ni Willie araw-araw sa masusuwerte niyang tinatawagan ay napakalaking biyaya lalo na ngayong pandemya.

Tama ang ideya ng kaibigan naming propesor, “Magpagulung-gulong man sila sa EDSA mula sa Caloocan hanggang Baclaran, e, wala silang mapupulot na treinta mil! Napakalaking biyaya ‘yon para sa kanila,”

Walang gaanong kaalaman si Willie tungkol sa teknolohiya, ni wala nga siyang kahit anong account, kung meron mang lumalabas ay mga posers lang ‘yon at nagpapanggap.

Pinag-aaralan na ngayon ng kanyang staff kung paano maipagpapatuloy ni Willie ang pamamahagi ng ayuda para sa mga kababayan nating nawalan ng trabaho na natural lang na hirap na hirap sa buhay ngayon.

Sabi ni Willie, “Ang staff ko ang may alam kung paano. Puwede rin pala kaming makatulong, sa binubuo nilang paraan sa social media. Itutuloy ko ang pagtulong.

“Bukod sa sarili kong paraan, nand’yan pa rin ang mga sponsors ko, handa silang sumuporta, nand’yan lang sila at hindi ako iniiwan,” sabi ng sikat na TV host.

Mula sa araw na ito ay nanamnamin ni Willie Revillame ang sarili niyang panahon. ‘Yong wala siyang inaalalang trabaho, ‘yong hindi siya nagmamadali at nai-stress, magkakarga muna siya ng lakas bago niya harapin ang pinakamalaking hamon sa kanyang buhay at karera sa mga darating na araw.

Leave A Reply

Your email address will not be published.