Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Female personality buking na walang farm ng mangga

0 100

Nakakaloka na nakakaaliw ang kuwento ng isang source tungkol sa mga kabaliwan nu’n ng isang sumikat na female personality.

Nakakapraning ang mga istorya!

Dahil kung anu-anong ilusyon at halusinasyon na nga ang kanyang mga pinaggagagawa dahil sa sobrang pagkaabala niya sa pagbibisyo ay ang dami-daming kuwento tungkol sa kanya na pinagpipistahan pa rin hanggang ngayon.

Kuwento ng aming source, “Di ba, mayabang ang babaeng ‘yun? Nu’ng magpaulan ng kaangasan ang langit, e, gising na gising siya! At nagtanggal pa siya ng bubong ng bahay niya, kaya sangkaterbang kalokahan at kayabangan ang nasambot niya!

“Naging magkapareha sila nu’n sa isang pelikula ng isang sikat na actor-TV host. Panalo ang tambalan nila! Pinaandar ng female personality ang kanyang kayabangan habang ginagawa nila ng actor-TV host ang movie nila!

“Biglang dumating sa set ang dribam ng babae na may dala-dalang tatlong tiklis ng manggang hinog. Ibinigay ‘yun ng driver ng girl sa kanyang partner.

“Umariba naman ang kayabangan ng girl, ang sabi niya sa leading man niya, ‘Nagpunta kami kahapon sa farm ko. Ang dami-daming bunga ng mangga, nagkakandahulog na nga lang! Konti lang ang na-harvest namin, marami pang kasunod ‘yan!’

“Natural, tuwang-tuwa naman ang male personality, ang lalaki kasi ng mangga, dilaw na dilaw! Masarap nang kaining kahit kabibigay lang sa kanya!” unang kuwento ng aming impormante.

Kung bakit naman napakaliit ng mundo. Nagkita pala sa isang malaking palengke ang driver ng female personality at ang PA ng actor-TV host. Nakita nito na binili lang ng piloto ng aktres ang tatlong tiklis na mangga sa palengke.

Patuloy ng aming source, “Nakakaloka, di ba? Binili lang pala niya ang mangga, hindi naman inani sa kiyemeng farm niya! Natural, sinabi ng PA ng male personality ang totoo sa boss niya!

“Gusto sanang bukingin ng male personality ang kalokohan ng kanyang leading lady, pero idinaan na lang niya ‘yun sa katatawa!

“Farm pala, ha? Waley! Ilusyon lang ‘yun ng female personality para magpaandar siya! Ang totoo, e, hindi farm, farmers market! Marami pang kayabangang ginawa ng babaeng ‘yun, kulang ang espasyong ito!

“Life is not always a bed of roses, kantahan na lang tayo!” naaaliw na nalolokang pagtatapos ng aming source.

Ha! Ha! Ha! Ha!

Jinkee pahinga sa kayabangan

Binabantayan talaga ng mga bashers at trolls ang Instagram account ni Jinkee Pacquiao. Abangers ang mga “Maritess” sa mga pinakabagong paandar ng misis ng Pambansang Kamao.

Nakahanda na rin ang kanilang calculator para anumang oras na magpalutang ng kanyang mga branded stuff si Jinkee ay agaran na silang mag-compute kung magkano ang kabuuang halaga ng kanyang OOTD.

Pero bigo ang mga trolls at bashers, nagpahinga si Jinkee sa pagmamayabang ng kanyang mga mamahaling kagamitan, puro pagkain lang ang ipino-post niya ngayon.

Kasi nga ay naka-quarantine pa ang buong pamilya sa isang five-star hotel, kaya ang mga komento ng mga trolls ay nagsanga-sanga na, ipinauwi na raw kasi ni Ginang Pacquiao ang kanilang mga bagahe kaya wala siyang mai-post na mamahaling kagamitan niya.

Pagpansin ng mga nakakausap namin ay nakatira na talaga sa social media si Jinkee. Ke branded stuff niya pa ang laman ng kanyang mga IG posts, kahit mga pagkain pa, ang ibig sabihin lang nu’n ay wala nang inaatupag si Jinkee kundi ang mag-post na lang nang mag-post.

Komento pa ng isang kaibigan namin, “Nagpahinga nga siya sa pagmamayabang sa mga branded niyang kagamitan, ang masasarap naman nilang food sa hotel kung saan sila naka-quarantine ang ipinagbabanduhan niya!

“Talagang hindi niya na maiiwasan ang pagpo-post ng masarap nilang buhay. Ang dami-daming nagugutom ngayon, ipinagmamalaki pa niya ang mga kinakain nila sa hotel!

“Hindi talaga siya sensitive, wala siyang pakialam sa mga bitukang walang maipanglaman, ako na ang magsasabi, wala talaga siyang kahihiyan!” inis na sabi pa ng aming kausap.

Ha! Ha! Ha! Ha!

Leave A Reply

Your email address will not be published.