Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Female personality ‘di makapagbayad ng utang

0 453

Dahil sa laganap na pandemya ay naaalala ngayon ng isang kababayan nating negosyante ang kanyang mga pautang na dati’y hindi naman nito pinapansin.

Kung magbabayad ang may pagkakautang sa kanya ay salamat, kung hindi naman ay salamat din, pero ngayon ay ibang-iba na ang sitwasyon.

Kuwento ng aming source, “Kahit naman kasi mayayaman, e, tinamaan din ng pandemya. Nagsarado ang mga negosyo nila, may mga empleyado silang sinusuportahan, kaya biglang naalala nu’ng businessman ang mga may pagkakautang sa kanya.

“Isa na ru’n ang isang female personality na milyun-milyon ang inutang sa kanya para ipuhunan sa negosyo niya. Naghuhulog naman ang female personality nu’ng una, in fairness, pero nalugi ang business na itinayo niya.

“Wala ring trabaho ngayon ang female personality, walang pumapasok sa kaban niya, kaya talagang ni hindi siya nakapagbabayad ng utang niya.

“Hindi lang du’n sa businessman ang pagkakautang ng girl, sa marami pang iba, pasok kasi siya nang pasok sa negosyo na wala namang kinahihinatnan kundi ang malugi at magsara,” pagpapakilala ng aming source sa female personality.

Ang palaging ikinakatwiran ng female personality sa mga naniningil sa kanya ay ibinebenta na raw niya ang bahay niya, pero wala namang bumibili, du’n daw niya kukunin ang pambayad niya sa mga kargo niya.

Balik-kuwento ng aming source, “Paano naman niyang maibebenta ang bahay niya, e, napakataas ng presyo? Parang ayaw niya namang maibenta ‘yun sa taas ng presyong gusto niya? Napakatagal na niyang idinadahilan ‘yun, pero hanggang ngayon naman, e, du’n pa rin siya nakatira?

“Sabi nga ng mga nakakaalam, e, puwede na raw niyang ibenta ‘yun sa mas mababang halaga dahil hindi naman siya talaga ang nagpatayo ng house na ‘yun kundi ang ex niyang milyonaryo!

“Kung dati kasi, e, para lang siyang naghuhukay ng mina ng ginto, ngayon, e, hindi na! Nagkaedad na siya at super-laki na niya!” pagtatapos ng aming impormante.

Willie mukhang marumi sa haba ng buhok

Magkakuwentuhan kami ni Willie Revillame nu’ng isang gabi. Puro halakhak ang maririnig sa kabilang linya dahil nilitanyahan namin siya tungkol sa mahaba niyang buhok.

Mula kasi nang mag-lockdown ay hindi na siya nakapagpagupit, humaba na nang humaba ang kanyang buhok, na hindi naman bagay sa kanya.

Pangangalampag namin sa sikat na TV host, akala ba niya’y guwapo siya sa mahaba niyang buhok, mukha siyang marumi kahit pa naka-suit siya sa Tutok To Win.

Halakhak lang siya nang halakhak, “Miss ko na ang ganyang pangaral mo, Inang! Hayaan mo, magpapagupit na ako. Sa Monday, ibang-iba na ang itsura ko sa show!” sabi niya.

Nadagdagan din siya ng timbang, sumisikip na ang kanyang mga suit, kaya nagsadya ang sikat na designer na si Randy Ortiz sa Wil Tower para sukatan siya ng panibago.

Matinding pasasalamat ang itinatawid niya sa mga ehekutibo ng GMA-7 dahil sa isang taong bagong kontratang ibinigay sa kanya.

Napakaraming natutulungan ni Willie sa pamamagitan ng Tutok To Win, nagiging emosyonal ang mga kababayan nating nagdarahop ngayon dahil sa pagkawala ng trabaho, kaya ang ibinabahagi niyang beinte mil ay napakalaking biyaya na para sa kanila.

“Akala n’yo ba, e, kayo lang ang nakakaramdam ng lungkot kapag kinakausap ko na ang winner sa show? Ako rin, kapag naririnig ko na ang mga pag-iyak nila habang nagpapasalamat, e, napapahinto ako sa pagsasalita.

“Ramdam na ramdam ko sila, lalo na ang mga nawalan na nga ng work, e, maysakit pa. Nakakalungkot, napakahirap ng buhay ngayon,” kuwento ni Willie Revillame.

Leave A Reply

Your email address will not be published.