Abante Tonite Interactive

Female personality inaayawan ng makeup artist

714

Nagkita-kita isang gabi ang mga make-up ar­tist ng mga kilalang artista, birthday ng kanilang kasamahan, kaya nagmistulang talk show ang party.

May kani-kanyang anekdota ang mga becki, puro halakhakan ang maririnig sa paligid, dahil mga sikat na personalidad ang kanilang pinagpipistahan.

Sabi ni Make-Up Artist A, “Tawasin man ako, e, hinding-hindi ko na hahawakan si ____ (pangalan ng isang kilalang female perso­nality na napapanood ngayon gabi-gabi sa isang serye)! Ayoko nang ma-stress!

“Ayoko na ring maghabol ng face na kukulapulan ko dahil sa sobrang kalikutan niya! Pati nga ang assistant ko, ayaw na rin siyang i-blower!

“Napakalikot niya, para siyang kitikiti, alam niya namang minemeyk-apan siya, pero sobrang likot niya! Nand’yang makipag-usap siya sa cellphone at ha­lakhak siya nang halakhak na parang luka-luka!

“Juice colored! Ang hirap kayang mag-make-up ng malikot, pahinto-hinto ako, napakatagal ko siyang ginagawa, nakakapagod siyang make-up-an!

“E, ang laki-laki pa naman niya! Kaya kapag humaha­lakhak siya nang bonggang-bongga, e, natatabig-tabig pa niya ako! Kinukuha uli ako para gawin siya, pero sabi ko, busy ako!” nakairap na kuwento ni Make-Up Artist A.

Isang female personality namang medyo nagkakaedad na ang paksa ni Make-Up Artist B, ang kuwento niya, “Naku, ‘yung isa namang ‘yun, napakapasaway!

Magugulat ka na lang sa kanya pagkatapos mo siyang make-up-an!

“Pupunta siya sa CR, paglabas niya, iba na ang shape ng kilay niya!

Pinakikialaman niya ang make-up niya, pati ang hair niyang ipinusod ko, paglabas niya sa CR, nakalugay na! Pasaway ang babaeng ‘yun!

“Ginagawa niya ‘yun sa lahat ng make-up artist! Wala ka nang choice kundi ang mainis na lang, kasi, bakit pa siya nagpapa-make-up kung siya rin naman pala ang masusunod?

“E, di siya na lang ang mag-make-up sa sarili niya? Ang hirap-hirap kayang gawin ng babaeng ‘yun dahil sangdamakmak na concealer ang kailangang itapal sa face niya dahil marami siyang tsismis sa face!” tawa nang tawang kuwento ni Make-Up Artist B.

Ha! Ha! Ha! Ha!

***
Joshua pusong bato kay Julia

Tama ang opinyon ng marami na si Julia Barretto mismo ang naghahain sa kanyang sarili para upak-upakan siya ng mga taong hindi nagkakagusto sa kanya.

Ginagawa na namang pulutan si Julia sa social media dahil sa kanyang pahayag na mahal niya si Joshua Garcia at mamahalin hanggang sa huling hugot ng kanyang hininga.

Natural, hindi ‘yun maka­lulusot sa kanyang mga ba­shers, upak-marino na naman ang natikman niya dahil iba raw ang kanyang mga sinasabi sa kanyang mga ginagawa.

Sabi ng mga kumokontra kay Julia, paano niya nasisikmurang sabihin na mahal niya si Joshua at mamahalin hanggang sa wakas, samantalang ipinagpalit nga niya ito kay Gerald Anderson?

Sabi pa ng isang basher, “Ay, nagpapatawa si Julia, e, hindi naman siya komedyante! Ano ito, lokohan? Kung totoong mahal niya si Joshua, e, di sana, hindi siya nakapagitna sa controversy ngayon?”

Payo naman ng marami kay Joshua ay huwag itong magpapadala sa mga litanya ni Julia, matamis daw tala­gang magsalita ang young actress, pero sa ilong lang niya ‘yun lumalabas.

Pero walang dapat ipag-alala ang mga tagasuporta ni Joshua Garcia dahil nababantayan ng binata ang kanyang puso. Maginoo lang ang magaling na aktor, pero hindi tanga, alam na alam nito ang senaryong naganap sa kanila ni Julia.

Sabi nga, ang malalim ay malalim din kung masaktan, may mas masakit pa ba sa nangyari kay Joshua na pagkatapos nitong gawing diyosa ng kanyang buhay si Julia Barretto ay sa ganito lang pala hahantong ang lahat?

Hindi lang masalita si Joshua, pero sumisigaw ang kanyang puso, paborito nga siguro ngayon ng binatang aktor ang piyesang “Pusong Bato”.