Abante Tonite Interactive

Female personality inaayawan sa network

1,104

ILANG pinagkakatiwalaang kaibigan at kasamahan sa trabaho ang nakausap ng isang pamosong female personality na matagal nang hindi humaharap sa mga camera.

Ramdam ng kanyang mga kaibigan na parang bumibitiw na ang babaeng personalidad sa pag-asang may babalikan pa rin siya sa mundong impernes ay nasasabik na sa kanya.

Kuwento ng aming source, “Ma-pride kasi siya, di ba? Pero parang lahat na lang ng ginagawa niyang paraan para makabalik siya, e, nawalan ng saysay. Napakasakit nu’n para sa isang tulad niya.

“Meron siyang kinausap na friend, ‘yun ang gumawa ng paraan para makapasok sana siya sa network na puwede niyang pagtrabahuhan. Pero walang nangyari.

“Hindi nagpabaya ang kinausap niyang kaibigan, ginawa niya ang lahat-lahat para lang mairekomenda siya, pero tumanggi ang mga executives.

“Tinanggap niya naman ‘yun, pero siyempre, masakit sa loob niya ang nangyari. Ang galing-galing nga naman niya sa linya niya, tapos, biglang inaayawan na siya?” simulang kuwento ng aming impormante.

Meron din siyang kinausap na manager na puwedeng magtulay sa kanya at sa network na matagal niyang pinagtrabahuhan, pero wala ring nangyari, hindi siya pinagbuksan ng pintuan ng istasyon.

Patuloy ng aming source, “Ikaw man, kapag sunud-sunod nang frustration ang inaabot mo, e, parang mawawalan ka na rin ng pag-asa, di ba?

“Saka nasa ituktok siya nu’n, hindi naman siya basta-bastang personality lang. Sikat siya, magaling siya, pero kung bakit nangyari sa kanya ang ganito!” madiing pagtatapos ng aming source.

1 taon pa bago isara ang ABS-CBN

SIGURADONG makukumpleto ang one million signatures na pinaiikot ngayon para sa franchise renewal ng ABS-CBN. Hindi imposibleng mangyari ‘yun dahil sa milyun-milyong kababayan nating nagmamahal sa network.

Napakaraming mawawalan ng trabaho kapag ipinasarado ang istasyon, bukod pa sa mga artistang mangangapa kung saan na papunta ang kanilang karera, saka hindi na kumpleto ang mundo ng telebisyon kapag nawala ang ABS-CBN.

Isang impormante ang nagbigay sa amin ng impormasyon na kapag hindi nabigyan ng panibagong prangkisa ang network sa darating na Marso ay meron pa silang isang taon na kalayaang makapagsahimpapawid.

Kapag lumampas ang panahong ‘yun at wala pa ring bagong prangkisa ang istasyon ay saka pa lang sila tuluyang maipasasara.

Harinawang bago dumating ang pagkakataong ‘yun ay mabigyan na ng franchise renewal ang ABS-CBN. Maplantsa na sana ang mga problemang ipinaaako sa kanila.

Sana naman.

Jeric walang puso na iniwan sa Japan ang kasama

HANGGANG maiiwasan ay huwag na sanang nagpapainterbyu pa si Jeric Gonzales tungkol sa kanyang lovelife. Pinagtawanan lang niya ang isyung nag-uugnay sa kanila ni Sheryl Cruz.

Paano raw sila magbi-break, samantalang hindi naman sila magkarelasyon, kaya sino raw ang babaeng nagselos na karelasyon niya dahil kay Sheryl?

Sino raw ang non-showbiz girlfriend niya na nakasama niya sa Japan na iniwan niya du’n dahil nabasa nito ang text ni Sheryl?

Naku, Japs Gersin at Roldan Castro, stop me (read: pigilan n’yo ako)! Minsan pang magpainterbyu si Jeric Gonzales tungkol sa isyung ito ay maghahalo na ang balat sa tinalupan.

Totoo naman ang kanyang sinabi na wala siyang non-showbiz girlfriend na nagselos kay Sheryl Cruz. Totoong-totoo ‘yun.

Pero totoong meron siyang nakasama sa Japan nu’ng bago mag-Pasko na iniwan niya dahil sa hindi nila pagkakaintindihan na nauwi na sa selosan.

Isa pa. Isa pang denial. At matatanggalan na ng maskara ang kasama niya sa Japan na walang kapuso-puso niyang iniwan.