Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Female personality kinikimkim ang kawalan ng raket

0 1,212

Siguradong hindi masyadong dinadalaw ng antok ngayon ang isang popular na female personality dahil sa sobrang pag-aalala niya sa kinabukasan ng kanyang pamilya.

Mabigat din kasi ang pinapasan niyang krus ng responsibilidad, maraming naghahati-hati sa mga biyayang dumarating sa kanya, paano na ngayong nagkaroon ng problema ang bakurang pinagseserbisyuhan niya?

Kuwento ng isang source, “Kung siya lang, e, kaya niya namang makaraos kahit wala siyang masyadong trabaho. Pero maraming umaasa sa kanya, mabigat ang mga responsibilidad na siya ang nagdadala.

“Makapamilya pa naman ang girl, hindi siya masaya nang siya lang ang meron, kailangang i-share niya ang mga biyaya niya sa pamilya niya.

“‘Yun ang happiness niya, ‘yung maligaya ang mga kapatid niya, ‘yung maayos ang mga buhay nila,” unang sultada ng aming impormante.

Meron namang naipon ang kilalang babaeng personalidad, pero iba pa nga rin naman ‘yung tuluy-tuloy ang pagpasok ng mga biyaya sa kanyang bulsa.

Balik-kuwento ng aming source, “Naiayos na niya ang pamilya niya, meron na silang mga negosyo na ang female personality ang nagbigay ng puhunan. Nagtatrabaho rin naman ang mga kapatid niya, hindi naman sila ang tipong nagtatamad-tamaran.

“Ang inaalala ng girl, gaano man kalaki ang naipon niya, kung wala namang pumapasok, e, mauubos din ang naitabi niya! Totoo naman ‘yun, kaya talagang inaalala niya ang future ng family niya ngayon.

“Hindi lang naman siya, marami silang magkakaibigan na hindi na halos napagkakatulog ngayon, kasi nga, hindi nila alam kung ano ang mangyayari sa kanila ngayong wala na silang network na mapagtatrabahuhan.

“Very generous ang girl, maluwag ang bulsa niya para sa mga mahal niya sa buhay, kaya ‘yun ang talagang inaalala niya ngayon. Kinikimkim lang niya ang mga saloobin niya, pero talagang iniintindi niya ang mga taong umaasa lang sa kanya.

“Mahirap nga naman ang sitwasyon niya, mahirap kimkimin ang ganu’n,” pagtatapos ng aming impormante.

Luis dedma kay Angel

Tanong ng aming mga kakuwentuhan, bilang isa raw sa mga pinatamaan ni Angel Locsin sa sinabi nitong hindi man lang lumalabas bilang pagtatanggol sa kanilang istasyon, bakit daw hindi sinagot ni Luis Manzano ang matatalim na pahayag ng aktres.

May isa pang nagkomento, “Di ba, mahilig pumatol si Luis sa mga bashers? Ipinaglihi siya sa patola, di ba? Pero bakit hindi siya sumagot sa mga naging patutsada ni Angel Locsin?

Hindi kasi sumasama ang aktor-TV host sa mga pagtitipon ng mga kasamahan niya sa ABS-CBN, pero nagpaparating naman siya ng pakikisimpatya sa mga nawalan ng trabaho, presensiya niya lang ang wala tulad sa ginawang noise barrage ng grupo ni Angel.

Kung mahilig pumasok sa giyera ng salitaan si Luis ay marunong din siyang umiwas sa laban kung kinakailangan. Hindi naging maganda ang paghihiwalay nila ni Angel bilang magkarelasyon, kaya maganda man ang kanyang layunin sa pagsasalita, siguradong hahanapan ‘yun ng butas at ibang kulay ng mga nagmamasid.

Sa halip na magpakabalat-sibuyas si Luis ay ginamit niya na lang ang kanyang panahon sa napakaganda niyang layuning matulungan ang mga nawalan ng trabaho sa pagpapasarado ng kanilang network.

May isinagawa siyang job fair, hindi siya nangangako ng langit at lupa, pero siguradong maraming matutulungan ang kanyang positibong aksiyon.

Pareho sila ni Dingdong Dantes na sensitibo sa kalagayan ngayon ng mga taga-industriyang naapektuhan ng pademya, hindi pa nagbabalik ang shooting at taping, kaya binigyan ni Dingdong ng pansamantalang pagkakakitaan ang mga nagkokontrabida sa mga serye.

Giyera-patani ang siguradong magaganap kung magbibigay ng komento si Luis tungkol sa matatalim na pahayag ng kanyang dating karelasyon, kaya para wala nang isyu, deadma na lang siya.

Leave A Reply

Your email address will not be published.