Abante Tonite Interactive

Female personality laging nilalayasan ng driver

889

SA isang malaking umpukan ay pinagpistahan ang isang kilalang female personality. Nagpapahanap kasi siya ng driver. Na naman!

Madalas kasing iwan ng kanyang piloto ang kilalang babaeng personalidad, nakakailang buwan pa lang sa kanya ang piloto ay nagpapaalam na agad, walang tumatagal sa kanyang poder.

Kuwento ng isang source, “Palagi na lang siyang nagpapahanap ng driver, palagi niyang problema ang magmamaneho para sa kanya.

“Hindi naman puwedeng siya na rin ang mag-drive, palagi siyang puyat at pagod, kaya kailangang may driver talaga siya.

“Kaya lang, e, mahihirapan na talaga siyang makakuha ng driver, kumalat na kasi ang mga kuwento tungkol sa kanya, hindi siya marunong mag-alaga ng mga tauhan niya,” unang kuwento ng impormante.

Mapagkuwenta raw kasi sa oras ang female personality, kapag wala siyang trabaho ay kailangang nagbabanat pa rin ng buto ang kanyang piloto, hindi puwedeng nakapahinga lang na tulad niya.

Balik-kuwento ng source, “Kailangan pala, kapag hindi nakaupo sa manibela ang driver niya, e, nagga-gardening! Kailangan daw nagtatrabaho pa rin ang driver, tutal naman, e, wala silang lakad!

“Saka hindi pala puwedeng pumasok sa housing authority niya ang driver, may kuwarto sa labas ng bahay niya ang dribam, hanggang du’n lang siya, tutal naman, e, may CR din du’n!

“So, ang food niya, e, ibinibigay lang sa kanya ng kasambahay ng female personality, du’n siya kumakain sa servant’s quarter, talagang hindi siya nakapapasok sa mismong house nu’ng ipinagmamaneho niya!

“Siyempre, hindi naman porke driver ang designation ng tao, e, gaganu’nin na lang siya, di ba? May mga pilotong may mataas na pride, sa totoo lang!

“Ayun, pinakamatagal na sa kanya ang driver nang six months lang. Ang iba, sa ikalawang buwan pa lang, e, nagpapaalam na.

“Mahirap siyang makakita ng driver dahil marami siyang rekotitos sa buhay! Maraming bawal, maraming kiyaw-kiyaw!

“Ang ganda pa naman ng name niya, hango ‘yun sa isang birthstone!” pagbibigay pa ng clue ng aming source.

‘Yun na!

Maricel, Jodi sanib-puwersa pamalit sa ‘Kadenang Ginto’

MARAMING programa sa ABS-CBN ang magtatapos na, pero maraming bagong papalit, pareho lang sila ng GMA-7 na may mga pambato ring serye ngayong 2020.

Ayon sa aming source, hanggang February 7 na lang daw ang matagumpay na seryeng Kadenang Ginto. Ang ipapalit sa kanilang time slot ay ang seryeng What Matters Most na pagbibidahan nina Maricel Soriano at Jodi Sta. Maria, kasama sina Iza Calzado at Sam Milby sa direksyon ni Direk FM Reyes.

Isang source din ang nagpaabot sa amin ng impormasyon na hanggang sa Marso na lang daw ang Ang Probinsyano ni Coco Martin, ang ipapalit ay isang seryeng pinagtatambalan nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo, ang Tanging Mahal.

Natawa naman kami sa reaksiyon ng aming source, “Haaay, salamat! Matatapos na rin ang Ang Probinsyano na nakakaumay nang panoorin! Puro na lang barilan, puro na lang ganu’n, kaya ilang months nang Beautiful Justice ang tinututukan ko!”

Magbabalik na rin sa pagharap sa mga camera si Julia Montes pagkatapos nang dalawang taong pamamahinga. Ang balita ay gagawin nila ni Coco ang Batang Quiapo na pinagtamabalan nu’n ng Action King na si FPJ at ni Maricel Soriano.

Pero hindi ‘yun ang inaabangan ng mga kababayan natin kungdi ang pagsagot ni Julia sa tanong kung totoo bang may anak na sila ni Coco Martin?

Sa lahat ng mga planong ito ay may tanong pa rin ang ating mga kababayan. Mabigyan kaya ng renewal ng prangkisa ang ABS-CBN na sa Marso na magtatapos?

Maraming humihiling na sana’y lumambot ang puso ng ating Pangulo, harinawang magpatuloy sa pagsahimpapawid ang higanteng network, dahil napakaraming personalidad at manggagawang mawawalan ng trabaho kapag nangyari ang pagkabigo ng network na makakuha ng bagong prangkisa.

Sana naman talaga.