Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Female personality ligwak sa kaartehan

0 169

Throwback ang kuwento ng aming source tungkol sa isang kilalang female personality na kung kaartehan ang pag-uusapan ay hindi makakabog ng kahit sino.

Maraming artistang maarte, pero ayon sa aming impormante ay walang tatalo sa babaeng personalidad na ito na ikalawang balat na ang kaarehan, mula nu’ng bata pa siya.

Kuwento ng aming source, “’Yun na siya talaga, kapag hindi nag-inarte si ____(pangalan ng female personality), e, hindi siya ‘yun!”

Maraming kuwento tungkol sa kaartehan ng female personality, ‘yun pala ang dahilan kung bakit hindi niya kasundo ang mga pinsan niyang artista rin, ang mga ito ang umiiwas sa kanya.

Patuloy ng aming source, “Nagba-bonding ang magpipinsan nang hindi ipinaaalam sa kanya. Patago ang pagkikita nila, nagtatawagan sila, para sila-sila lang ang nakakaalam ng lakad nila.

“Mahirap na nga naman, baka biglang maamuyan ‘yun ng maarte nilang pinsan, e, magkakaproblema pa sila? Nagkakasundo sila na huwag isama ang pinsan nila!

“Panira raw kasi sa lakad ang maarteng female personality, palaging late siya sa usapan, kaya nabuburyong sa kahihintay ang mga pinsan niya!

“Paano naman, oras pala ang pagme-make-up pa lang niya. kaliit lang naman ng face niya, pero kung bakit inaabot siya nang siyam-siyam sa harap ng salamin!

“Sa pamimili niya ng isusuot, inaabot din siya nang pagkatagal-tagal. Ang nakakaloka pa, kung ano ang napili niya na, e, hindi rin naman ‘yun ang isinusuot niya! Maarte talaga siya!” kuwento ng naiinis naming impormante.

Kapag naiimbita ang magpipinsan sa mga TV shows, hanggang maaari ay ayaw sana siyang isama sa production number ng kanyang mga cousins, dahil siguradong magkakaroon na naman ng aberya.

“Paano naman, sa rehearsal pa lang, e, nagpapaimportante na siya, nagpapahintay, samantalang alam niya naman kung anong oras sila magkikita-kita!

“Ganu’n palagi siya, feeling niya, e, hindi matutuloy ang production number kapag wala siya. Kaya ayun, tinatakasan siya ng mga pinsan niya kapag nagba-bonding sila. Ligwak siya!

“Mismo! Aysus, kabarus, Vito Cruz, Sta. Cruz at marami pang krus!” natatawang pagtatapos ng aming source.

Revillame hindi nakakatulog nang mahimbing

Habang tumatakbo ang mga oras ay kumikitid ang mundo ni Willie Revillame sa pagdedesisyon kung tutuloy ba siya sa pagtakbo bilang senador o hindi sa darating na halalan.

Nakikita ng publiko ang TV host na nagpapasaya sa kanyang programa, humahalakhak, masayang-masaya sa pagbibigay ng ayuda sa ating mga kababayan.

Pero kapag tapos na ang Wowowin-Tutok To Win ay balik na uli siya sa reyalidad. May mga nagtatawagan na naman sa kanya para tanungin kung buo na ba ang kanyang kalooban sa pagpasok sa mundo ng pulitika.

Sabi ng isang source na nakausap namin, “Matindi ang pressure sa kanya. Very remarkable ang sinabi ni PRRD na kapag talagang hindi pa siya handa, e, mag-uusap uli sila.

“’Yun ang catch du’n, e! Kapag kinausap siya uli ng pangulo, ‘yun na ‘yun! Matatanggihan ba naman niya ang presidente?” makabuluhang komento ng aming kaibigan.

Mahal na mahal ni Willie ang kanyang trabaho, ang kasiyahang ibinibigay niya sa ating mga kababayan ay parang sinumpaan na niyang tungkulin, paano nga ba mababaklas ang TV host sa mundong natutuhan na niyang mahalin?

Hati ang publiko tungkol sa alok na tumakbo bilang senador si Willie sa darating na eleksiyon. May mga nagsasabing huwag siyang papayag dahil gagamitin lang siya ng partidong kumukuha sa kanya.

May mga nagkokomento naman na mas lalawak ang pagtulong niya kapag meron na siyang posisyon sa gobyerno kaya dapat niyang tanggapin ang imbitasyon para tumakbo.

Hindi na nakakatulog nang mahimbing ngayon si Willie Revillame. Habang lumilipas ang mga araw ay palapit na nang palapit ang kanyang pagdedesisyon.

Leave A Reply

Your email address will not be published.