Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Female personality lumabas ang kamalditahan

0 963

Napakaraming kuwentong hindi na lang inilalabas sa social media tungkol sa isang kontrobersiyal na female personality ngayon. Pigil na pigil ang mga dati niyang katrabaho, ayaw na nilang humalo pa sa gulo, dahil nasa gitna ng giyera ngayon ang babaeng personalidad.

Ibang klase raw kasing magalit ang female personality, para siyang kapapanganak na tigre, hindi siya nag-iisip kung sinu-sino ang kanyang masasaktan kapag umaariba na ang kanyang emosyon.

Sabi ng isang source, “Naaalala n’yo pa ba ang ginawa niyang pagmumura nu’n sa taong napakalaki ng naitulong sa career niya? Grabe ‘yun!

“Imagine, pati ang taong nagmamalasakit sa kanya, e, ginanu’n niya? Nakakaawa ‘yung tao, pinagmumura niya talaga mula ulo hanggang paa!” naaalalang kuwento ng isang source.

Ganu’n daw talaga ang female personality kapag nagagalit, wala siyang pakialam sa mundo, kailangan niyang ipagsigawan ang kanyang saloobin.

Sabi naman ng isang dati niyang nakasama sa isang serye, “Para siyang pigsa, masundot mo lang siya, umaaray na! Agad-agad na siyang kukuda, ayaw na ayaw niyang kinokontra siya!

“‘Yun ang hindi maganda sa kanya, self-centered siya, ang feeling niya, e, super-perfect na siya na hindi mo siya puwedeng kontrahin!” komento ng impormante.

Maraming kuwentong puwedeng ilabas ang kanyang mga dating katrabaho, kung anu-anong kuwento ‘yun ng kakuwanan ng aktres, pero ihahanap daw nila ‘yun ng timing.

May kuwento naman ang isa pang source, “Tatahi-tahimik lang ang babaeng ‘yun pero nasa loob ang kulo. Magtanong na lang kayo sa mga dati niyang alalay, mag-research kayo kung bakit sila hindi nakatagal sa girl!

“Ibang klase siya, mahirap sakyan ang ugali niya. Mas magandang tanungin n’yo na rin ang mga ex niya!” pagtatapos ng aming impormante.

Angel inokray ng aktor sa rally

May punto ang mga opinyong nakararating sa amin. Mas naging maganda nga siguro kung pinangalanan na lang ni Angel Locsin kung sinu-sino ang mga kasamahan niyang artistang nananahimik lang sa pagtatanggol sa ipinasarado nilang network.

Kung ganu’n ang kanyang ginawa, siguro ay ang mga pangalang binanggit lang niya ang magkakaroon ng sama ng loob sa kanya, hindi tulad ngayon na napakaraming umaaray na personalidad sa patutsada niya.

Siyempre’y hindi alam ni Angel na siya ang sentro ng kuwentuhan ngayon ng mga artista ng ABS-CBN. Lahat ng mga nananahimik lang na personalidad ay siya ang pinagtsitsismisan ngayon.

Text ng isang male personality sa kanyang kaibigang aktor, “O, hinahanap na kayo sa rally ng amo n’yo! Wala raw kayong ginagawa! Wala na raw kayong career!” mula sa ibang istasyon ang nag-text na male personality.

Maraming hindi nagkagusto sa kanyang pananalita, panay-panay ang sigaw nu’n ni Angel na ito ang tamang panahon para sila magkaisa sa pakikipaglaban para sa buslong pinagkukunan nila ng grasya, pero baligtad ang naging resulta dahil sa kanyang mga patutsada.

Lahat tuloy ng mga artistang hindi sumasali sa mga pagkilos nina Angel ay parang biktima ngayon. May asim daw kasi ang mga binitiwang salita ng aktres.

Maganda ang kanyang layunin pero hindi siya nasakyan ng kanyang mga kasamahang tahimik lang na sumusuporta sa pagkawala ng kanilang network.

Sabi ng isang nakakuwentuhan namin, “Maraming takot na takot sa coronavirus, maraming hindi talaga lumalabas ng bahay, kaya hindi niya masisisi ang mga kasamahan niyang artistang hindi sumasama sa mga ginagawa nilang pag-iingay.

“Kung ito ang tamang panahon para kay Angel sa pakikipaglaban sa station nila, e, dapat din niyang intindihin at irespeto ang desisyon ng mga taong natatakot lumabas dahil sa virus.”

May punto!

Leave A Reply

Your email address will not be published.