Abante Tonite Interactive

Female personality mabenta sa milyonaryo

0 889

NAGTATANUNGAN ang magkakaumpukan kung ano ang meron sa isang kilalang female personality para kumbaga sa mangingisda ay makabingwit siya ng mga milyonaryong karelasyon.

Nagtataka sila dahil mas maraming artistang babaeng mas maganda kesa sa kanya, mas sexy, pero anong karisma nga ba meron ang babaeng personalidad na ito para makuha niya ang atensiyon ng mga yayamaning negosyante?

Sabi ng isang miron sa umpukan, “Nakakapagtaka ‘yun, ha? She’s not strikingly beautiful! Kailangan mo pa siyang titigang mabuti para matuklasan mo ang beauty niya!

“Pero bakit kinakabog niya ang mga kasamahan niyang artistang ‘di hamak namang mas attractive at sexy kesa sa kanya! Aba, ibang klase siya!” komento ng source.

Ang kuwento ay isang Boogie Wonderland ang nagpakilala sa female personality sa isang milyonaryong personalidad. Pero nang magtagal ay nagsarili na ng lakad ang female personality at hindi na dumadaan sa nagpakilala lang sa kanya sa super-yamang businessman.

Kuwento ng isang impormante, “Napurnada ang komi nu’ng nagpakilala sa kanya, kasi nga, sumosolo na siya! Nalaman na lang nu’ng matchmaker na napakaganda na ng kabuhayan showcase nu’ng girl, may bagong bahay na sa probinsiya nila at nakabili na ng mga properties!

“Ang bilis ng pag-unlad niya, ‘di ba naman? Hindi na niya kailangan ang gumawa ng unang hakbang para magkakilala sila nu’ng milyonaryo, sinolo na lang niya ang transaksiyon! At hindi lang ‘yun ang nakarelasyon ng girl!

“There’s more! May isang milyonaryo pa siyang naging boyfriend, umaapaw rin ang datung ng taong ‘yun! Napakasuwerte nga naman ng babaeng ‘yun na hindi naman kasikatan at kagandahan, pero parang may mga estrelya sa palad sa pagiging masuwerte!

“‘Yun! ‘Yun ang ipinagtataka ng mga nagkukuwentuhang miron, ano nga bang panghalina meron ang female personality na ‘yun na dumarating pa sa set nang naka-chopper!” malakas ang pag-iling-iling na pagtatapos ng aming source.

Young actor ‘di naburyong sa hiwalayan

MASAYA ang kapamilya ng isang kilalang young actor dahil mula nang magkahiwalay sila ng kanyang girlfriend na young actress ay nagkaroon na siya ng panahon para sa kanyang mga kamag-anak.

Sabi ng isang source, “Mula nu’ng makilala siya, e, hindi na kasi siya nakakasama ng mga pinsan niya. E, sabay-sabay silang lumaki, magkakatropa sila, pero hindi na nga siya nakakasama!

“Hindi siya nakakauwi sa probinsiya nila, palagi raw siyang busy, pero ang totoo, e, sobrang nahuhumaling siya sa maganda niyang girlfriend!” sabi ng impormante.

Pero nang magkahiwalay na ang dalawa ay nagpista ang kanyang mga pinsan, lalo na ang kanyang pamilya, dahil meron na siyang sapat na panahon para makasama ang mga taong malapit sa kanyang puso.

Patuloy ng aming source, “May time na siya ngayon, may enough time na siya para makasama ang mga cousins niya. Nakadadayo na sila sa malalayong places ngayon para makapag-bonding sila!

“At ang family niya, sobrang saya rin dahil hindi na hiram na panahon ang naibibigay niya ngayon, matagal na silang nagkakasama-sama!

“At hindi totoong nagbuburyong lang siya mula nu’ng maghiwalay sila ng young actress, ginamit niya sa tamang paraan ang pagkalungkot niya! Nagkaroon siya ng time para sa family nila!” pagtatapos ng aming impormante.

Babaeng inabandona ng male celeb magrereklamo kay Tulfo

NAGSUMBONG sa sikat at matapang na radio-TV anchor na si Raffy Tulfo ang PA ng isang magandang aktres na masyado raw maldita at ginagawa itong kasambahay sa halip na maging PA lang sa kanyang trabaho.

Ang clue ay may ginawa raw kalendaryo sa isang malaking kumpanya ang magandang aktres, agarang nahulaan ‘yun ng mga tagapanood-tagapakinig ng Wanted Sa Radyo, siya nga ‘yun!

Isang araw ay dudulog naman daw sa programa ni Kuya Raffy ang isang babaeng basta na lang iniwan ng kanyang ka-live-in na male personality. ‘Yun kasi ang payo ng kanyang mga kaibigan, ipa-Tulfo na raw niya ang aktor na deadma pa rin hanggang ngayon sa kanyang mga sakripisyo, inaabangan na ‘yun ng mga tagasuporta ng WSR sa Radyo Singko.

Grabe ang pila ng mga kababayan nating dumudulog-nagsusumbong kay Kuya Raffy. Lalo na sa umaga, makikita ang mga kababayan nating nangakahiga na sa gilid ng kalye sa paghihintay kung kailan sila maieere sa programa, galing pa sa malalayong probinsiya ang karamihan sa kanila.

Panahon talaga ngayon ni Raffy Tulfo!